Apat patay sa pagbagsak ng eroplano sa Maguindanao
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-02-07 14:54:43
Apat ang kumpirmadong patay matapos bumagsak ang isang eroplano sa isang palayan sa Barangay Malatimon, Ampatuan, Maguindanao del Sur, noong Pebrero 6, 2025.
Ayon sa ulat ng Department of Trade and Industry (DTI), ang naturang eroplano ay isang US military-contracted aircraft na nagsasagawa ng intelligence, surveillance, at reconnaissance support para sa isang routine mission.
Kinumpirma ni Kanishka Gangopadhyay, tagapagsalita ng US Embassy, na "We can confirm that a US military contracted aircraft crashed in Maguindanao del Sur on Feb. 6." Dagdag pa niya, ang misyon ng eroplano ay pangkaraniwang suporta sa intelihensiya.
Ayon kay Ameer Jehad Ambolodto, opisyal ng Maguindanao del Sur Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, narekober ng mga rescuer ang apat na bangkay mula sa lugar ng insidente. Sinabi niyang ang mga nasawi ay mga dayuhan, na pawang Caucasians base sa pisikal na anyo.
Pinatunayan naman ni Bobby Benito, isang civic leader, na tila mga banyaga ang mga biktima ngunit hindi pa tukoy ang kanilang pagkakakilanlan. Dagdag pa niya, nakuha ang mga labi sa lugar ng pagbagsak bandang alas-4 ng hapon.
Ikinuwento ng mga residente na nakita nilang pababa ang eroplano bago ito tuluyang bumagsak. Ayon kay Jeng Macapendeg, isang residente, "We heard a very strong thud and found the plane in an open rice field." Wala namang malakas na sunog, kundi bahagyang usok lamang mula sa bumagsak na eroplano.
Base sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ang eroplano ay isang Beechcraft King Air 300 na nakarehistro sa Metrea Special Aerospace ISR Inc. Lumipad ito mula sa Oklahoma, Estados Unidos.
Sinabi ni Tim Ambolodto, pinuno ng Maguindanao PDRRMO, na naganap ang pagbagsak bandang alas-dos ng hapon. Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente, kabilang ang iba pang mahahalagang detalye.
Patuloy ang pagkalap ng impormasyon habang tinutukoy ang mga sanhi ng trahedya.
(Larawan mula sa CNN)