Tingnan: 3 rescue dog, nagsilbing bayani sa paghahanap ng mga natabunan ng landslide sa Bukidnon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-23 23:36:00
QUEZON, BUKIDNON — Tatlong search and rescue (SAR) dogs na sina Venom, Bella, at Paul ang nagsilbing bayani sa paghahanap at pag-retrieve sa mag-asawang Ely L. Ubatay at Thelma B. Ubatay, na natabunan ng landslide sa Sitio Kipolot, Barangay Palacapao noong Oktubre 18, 2025. Natagpuan ang labi ng mag-asawa noong Oktubre 23, 2025.
Ang mga asong rescuer ay bahagi ng operasyon ng 403rd Brigade at 10th Infantry Division, na katuwang sa pagtukoy ng mga posibleng bakas ng mga biktima sa ilalim ng makapal na debris. Sa tulong ng kanilang matalas na pang-amoy, napabilis ang paghahanap sa kabila ng hamon ng mabigat na kondisyon sa lugar.
Bukod sa mga K9 units, ginamit din ng Municipal at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMO at PDRRMO) ang mga heavy equipment upang mapabilis ang clearing operations.
Ang sakripisyo at dedikasyon ng mga asong rescuer at ng kanilang mga handler ay muling nagpatunay sa kahalagahan ng mga K9 units sa mga operasyon ng kalamidad — mga tahimik ngunit matatag na bayani sa panahon ng trahedya. (Larawan: Municipality of Quezon, Bukidnon / Facebook)