Diskurso PH
Translate the website into your language:

Hinoldap na Pawnshop sa Davao City; Aabot sa P100-M Natangay

Lovely Ann L. BarreraIpinost noong 2025-02-28 11:15:01 Hinoldap na Pawnshop sa Davao City; Aabot sa P100-M Natangay

ORMOC (Feb. 28, 2025) — Nahuli sa CCTV ang apat na maskadong lalaki na pumasok sa isang pawnshop sa Illustre Street, Davao City bago mag-alas 10:00 ng umaga noong Miyerkules. Nagkunwari silang mga karaniwang customer, ngunit bumalik sila sa pawnshop at mabilis na inatake ang mga guwardiya. May dalang mga armas ang mga suspek, at isa pa sa kanila ang may bitbit na maso. Binugbog nila ang mga guwardiya at pinadapa bago nila tinangay ang mga alahas mula sa mga estante ng tindahan.

Sa loob lamang ng halos dalawang minuto, nakatakas na ang mga kawatan bitbit ang mga alahas na tinatayang nagkakahalaga ng P40 milyon hanggang P100 milyon. Pagkatapos, tatlo sa mga suspek ang nagtangkang tumakas saksi ang isang motorsiklo, ngunit hindi ito umandar. Mabilis nilang pinaghiwa-hiwalay ang kanilang mga ruta at nagtago, na nag-udyok sa mga pulis na magsagawa ng mabilisang operasyon.

Sa operasyon ng pulisya, nakita sa body cam footage ang paghabol sa mga suspek hanggang sa makarating sila sa Bankerohan Public Market. Pumasok ang mga pulis sa mga tindahan at sa huli, natunton nila ang isa sa mga suspek sa isang banyo. Ang lalaki, na mula sa Albuera, Leyte, ay nahuli at dinala sa presinto na may nakababa pang shorts, ayon sa footage.

"Hindi pa namin sigurado kung ilan pa ang mga suspek. Tinitingnan namin ang CCTV, pero sa tingin ko ay higit pa sa apat o limang tao. Binabalikan namin ang mga pagkakakilanlan ng mga suspek at alam na namin ang kanilang mga pamilya. Na-secure na namin ang mga pamilya nila," sabi ni Police Colonel Hansel Marantan, hepe ng Davao City Police.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang iba pang mga suspek. Sa hot pursuit operation, nakuha ng mga pulis ang isang M16 rifle, isang 9mm pistol, isang motorsiklo na may temporary plate number, at ilang alahas na tinangay.

Tumugon din si Marantan sa mga alegasyon ng ilang netizens na nagsasabing scripted o pekeng ang pangho-holdap. "Hindi ko pinapansin ang mga ganoong pahayag. Totoo ito. Paano magiging simulation exercise? Nakita niyo ba ang mga alahas? Worth millions 'yan. Hindi namin kayang mag-provide ng ganung halaga ng alahas para lang sa simulation," pahayag ni Marantan.

Nangako ang Davao City Police Office (DCPO) na huhulihin ang mga natitirang suspek. "Bigyan niyo ako ng ilang araw. May mga ulo na babagsak. Sa mga salarin, may pagpipilian kayo: sumuko kayo, pero hahabulin namin kayo," babala ni Marantan.

Larawan: MindaNews