PBBM: 'Design flaw' ang dahilan ng pagbagsak ng tulay sa Isabela
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-06 16:52:10
Isabela, Philippines - Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes na walang ititira sa imbestigasyon upang matukoy ang may pananagutan sa pagguho ng Sta. Maria-Cabagan Bridge sa Isabela.
"Who is responsible is basically who made the design because their design was poor. Look what happened," pahayag ng Pangulo.
Binigyang-diin niya na ang orihinal na halaga ng suspension bridge ay dapat nasa PhP1.8 bilyon, ngunit ito ay binawasan ng PhP1 bilyon.
"Ang puno’t dulo nito design flaw. It is a design flaw, mali ‘yung design. Ang history kasi nito dapat ang funding nito was supposed to be P1.8 billion. Binawasan to under P1 billion para makamura," ani Marcos sa mga mamamahayag habang nasa site.
Pinuna rin niya ang presensya ng overloaded trucks sa tulay.
"Those trucks should never have been on the bridge," aniya.
"We have to be more careful about monitoring 'yung mga load. Kung 44 tons ang sinasabi, [tapos] sasakyan mo 200 plus tons, hindi nakapagtataka na ganito ang mangyayari," dagdag niya.
Sinuri ni Pangulong Marcos ang tulay isang linggo matapos ang trahedya, kasama sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at iba pang lokal na opisyal.
Tiniyak niyang tutukuyin ang mga responsable sa disenyo ng tulay.
"I always have a saying: fix the problem, not the blame. Ayusin muna natin 'yung problema. Believe me, we will find out who is responsible," pahayag ng Pangulo.
Ang Sta. Maria-Cabagan Bridge, na may habang 990 metro, ay binubuo ng 12 arches at siyam na spans ng pre-stressed concrete girders.
Idinisenyo ito para lamang sa magagaang sasakyan, ngunit nagsilbing mahalagang ruta na nag-uugnay sa Cabagan at Sta. Maria patungong Enrile, Cagayan, at Tabuk City, Kalinga.
Nagsimula ang konstruksyon noong Nobyembre 2014 at natapos noong Pebrero 1, 2025, na may kabuuang gastos na PhP1.22 bilyon.
Photos courtesy of PCO
