Lahat ng tulay na ginawa sa panahon ni Duterte, dapat suriin - Malacañang
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-07 08:49:11
Manila, Philippines – Iminungkahi ng isang opisyal ng Malacañang na suriin ang lahat ng tulay na itinayo noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos bumagsak ang bagong bukas na Sta. Maria-Cabagan Bridge sa Isabela.
Binigyang-diin ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro ang pangangailangan ng masusing inspeksyon upang matiyak ang kaligtasan at matibay na estruktura ng mga tulay.
“It’s also good to suggest—and the administration will probably do this—that we inspect all of the bridges, especially those built during the time of former President [Rodrigo] Duterte, with the help of the DPWH (Department of Public Works and Highways) and the local government units,” pahayag ni Castro.
Dagdag pa niya, “We don’t know if these were also under-designed. So, as much as possible, all of them should be inspected.”
Ang panukala ay lumabas matapos bisitahin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lugar ng bumagsak na tulay at makatanggap ng briefing mula kay DPWH Secretary Manuel Bonoan.
Ayon kay Marcos, ang dahilan ng pagbagsak ay pagbabawas ng pondo na humantong sa kapalpakan sa disenyo.
“The cause of this is a design flaw. The design was wrong,” pahayag ng Pangulo.
Paliwanag niya, ang proyekto ay orihinal na may budget na PhP1.8 bilyon ngunit binawasan ito sa ilalim ng PhP1 bilyon bilang bahagi ng cost-cutting measures.
Binanggit din ng Pangulo na hindi nakasunod ang tulay sa tamang disenyo ng suspension bridge.
“This is the only suspension bridge in the world that I’ve seen that is not supported by cables. As you can see, the steel gave way. If they used cables, it wouldn’t collapse,” aniya.
Sinisi rin niya ang sobrang bigat ng mga truck na dumaan sa tulay. “Those trucks should never have been on the bridge,” dagdag niya.
Dahil sa insidente, nanawagan ang Makabayan Bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng isang imbestigasyon sa pagbagsak ng PhP1.22 bilyong Sta. Maria-Cabagan Bridge.
Pinangunahan ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang paghahain ng House Resolution 2249, na layuning suriin ang disenyo, kalidad ng mga ginamit na materyales, at pangangasiwa ng DPWH at iba pang ahensya ng gobyerno.
Itinampok din sa resolusyon ang mga alegasyon ng korapsyon, kakulangan sa inspeksyon, at posibleng sabwatan sa pagitan ng mga kontraktor at opisyal ng gobyerno.
Ipinahayag ng Malacañang ang kahandaang ipag-utos ang inspeksyon ng lahat ng tulay na itinayo noong nakaraang administrasyon upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
“That is probably what the administration will do—inspect everything as much as possible, with the help of DPWH, with the help of LGUs, all the bridges, especially those built during the time of former President Duterte,” ayon kay Castro.
Idinagdag pa niya na anumang pananagutan na matutuklasan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay haharapin nang naaayon sa batas.
Image Courtesy of Philippine News Agency
