Diskurso PH
Translate the website into your language:

Comelec, iniimbestigahan ang umano’y vote-buying sa rally sa Hong Kong

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-03-11 10:32:01 Comelec, iniimbestigahan ang umano’y vote-buying sa rally sa Hong Kong

MAYNILA, Pilipinas, Marso 10, 2025 — Iniimbestigahan ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga ulat ng umano'y vote-buying sa isang kampanya sa Hong Kong.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, nakatanggap ang komisyon ng impormasyon na sinasabing inalok ng hanggang HK$200 ang mga dumalo sa rally kapalit ng pagbotong direkta para sa isang senatorial slate.

“May nakarating sa ating balita at impormasyon sa bagay na 'yan na allegedly para iboto ng straight ang mga pumunta ng Hong Kong, pero ‘yan ay kinakailangang i-verify nang mabuti…baka 'yan ay fake news,” ani Garcia sa isang ambush interview sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila.

Dagdag pa niya, “Tayo po ay nakikipag-communicate sa ating konsulada sa Hong Kong para makakuha ng mga balita tungkol sa bagay na 'yan.”

Ilan sa mga social media posts ang nagsabing may isang grupo ng mga pulitiko na umano’y namigay ng HK$200 bawat isa sa mga dumalo para mahikayat silang iboto ang kanilang mga kandidato sa Senado.

Nilinaw ni Garcia na wala pang pormal na reklamo o liham na natatanggap ang Comelec tungkol sa insidente. Gayunman, kapag napatunayang totoo, maaaring maharap sa disqualification cases ang mga sangkot.

Ipinaliwanag din ni Garcia na hindi maaaring kasuhan ng kriminal ang mga sangkot dahil sa limitasyon ng hurisdiksyon. 

“Kung saka-sakali, walang jurisdiction ang Comelec o Pilipinas pag ang isang krimen ay na-commit outside the Philippines. Territorial kasi ang criminal law natin…Pero siyempre, dahil ito ay issue allegedly ng vote-buying, 'di tayo papayag na wala tayong impormasyon kung makatotohanan o hindi ang balita na 'yan,” ayon sa kanya.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na kailangang tiyaking beripikado ang impormasyon bago kumilos ang komisyon. “We are taking these reports seriously, but we need to ensure that we have verified information before proceeding with any formal investigation,” ani Laudiangco.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong kaugnay ng umano'y insidente ng vote-buying.

Kinumpirma naman ni Consul General Raly Tejada na nakikipagtulungan ang Philippine consulate sa Hong Kong sa Comelec para imbestigahan ang usapin.

Tiniyak ng Comelec na hindi nila palalampasin ang anumang uri ng pandaraya sa halalan. “We will not tolerate any form of electoral fraud, and we will ensure that those responsible are held accountable,” ayon kay Laudiangco.