Duterte, kinuwestiyon anong krimen ang kanyang ginawa para arestuhin
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-11 13:51:50
MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang legal na batayan ng kanyang pag-aresto matapos makunan ng video ng kanyang anak na si Veronica "Kitty" Duterte sa Instagram Live ang tensyonadong tagpo.
Sa video, matapang na hinarap ni Duterte ang mga awtoridad at hinamon silang ipakita ang dahilan ng kanyang pagkakakulong. Aniya, “What is the law, and what is the crime that I committed? Show to me now, the legal basis for my being here.”
Binanggit din ni Duterte na hindi siya kusang sumama at iginiit na dapat managot ang mga umaresto sa kanya dahil sa aniya'y "deprivation of liberty."
Inaresto ang 79-anyos na dating pangulo pagbalik niya mula Hong Kong, kung saan nagsalita siya sa harap ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Samantala, kinondena ni Salvador Panelo, dating legal counsel ni Duterte, ang pag-aresto at tinawag itong labag sa batas. Sinabi niyang hindi nasunod ang tamang proseso at hindi pinayagan ang abogado ni Duterte na makausap siya noong siya'y inaresto.
Ayon kay Panelo, “He was deprived of legal representation at the time of his arrest. The PNP could not have a hard copy [of] the warrant arrest. By not allowing one of his lawyers to meet him, the arresting [officer] could avoid being asked if they have the hard copy of the arrest warrant.”
Dagdag pa niya, “It is an illegal arrest because the ICC arrest warrant comes from a spurious source, the ICC, which has no jurisdiction over the Philippines.”
Nagbabala si Panelo na maaaring sampahan ng kasong kriminal ang mga nagpatupad at nag-utos ng pag-aresto.
Patuloy ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga umano’y libo-libong napatay sa kampanya kontra droga ni Duterte mula 2016 hanggang 2022. Bagaman kumalas ang Pilipinas sa ICC noong 2019, nananatili ang hurisdiksiyon ng korte sa mga krimeng naganap habang miyembro pa ang bansa sa Rome Statute.
Larawan mula sa Instagram Live ni Veronica "Kitty" Duterte
