Muling pagdinig sa kaso ni Duterte sa ICC, itinakda sa Setyembre 23
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-14 23:15:47
The Hague, Netherlands — Nakatakda na ang confirmation hearing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa darating na Setyembre 23, 2025, kung saan pagtitibayin kung itutuloy sa paglilitis ang kasong crimes against humanity, partikular ang pagpatay.
Ang mga kaso ay kaugnay ng kontrobersyal na giyera kontra droga ng kanyang administrasyon na umano’y nagresulta sa libu-libong extrajudicial killings.
Ngayong araw, Marso 14, 2025, humarap si Duterte sa kanyang unang pagdinig sa ICC sa pamamagitan ng videolink, dahil sa kanyang kondisyon sa kalusugan at hirap na bumiyahe patungong sa courtroom.
Sa maikling pagdinig, kinumpirma ni Duterte ang kanyang pagkakakilanlan at ipinaalam sa kanya ang mga akusasyon at ang kanyang mga karapatan bilang akusado.
Pinayagan ni Presiding Judge Iulia Motoc na dumalo si Duterte sa online hearing, sa kabila ng pahayag ng kanyang abogado na si Salvador Medialdea na ang dating pangulo ay dinukot mula sa Pilipinas.
“He was summarily transported to The Hague. To lawyers, it’s extrajudicial rendition. For less legal minds it’s pure and simple kidnapping,” ani Medialdea.
Iginiit din ni Medialdea na si Duterte ay may mabigat na sakit at hindi makakalahok nang maayos sa pagdinig.
Ngunit nilinaw ni Judge Motoc na ayon sa court doctor, si Duterte ay nasa sapat na kalagayan upang makibahagi sa proseso.
“The court doctor was of the opinion that you were fully mentally aware and fit,” sabi ni Motoc.
Batay sa reklamo ng ICC prosecutor, itinuturing ang kampanya kontra droga ng administrasyon ni Duterte bilang "malawakan at sistematikong pag-atake laban sa sibilyang populasyon," na may tinatayang sampu-sampung libong napatay.
Samantala, itinuturing ng mga pamilya ng mga biktima at mga human rights groups ang paglilitis bilang pagkakataon para sa hustisya, habang ang mga taga-suporta ni Duterte ay tinatawag itong politically motivated.
Si Bise Presidente Sara Duterte ay patuloy na sumusuporta sa kanyang ama, at sinubukang pigilan ang pagdinig sa huling sandali.
Siya at ang iba pang miyembro ng pamilya Duterte ay nagpahayag ng pangamba sa magiging patas na proseso para kay Duterte sa ICC.
Image Screen Grab from ICC Youtube Channel
