Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ligtas ba ang Herbal? Alamin ang Batas na RA 8423

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-03-22 16:04:57 Ligtas ba ang Herbal? Alamin ang Batas na RA 8423

Marami pa rin sa ating mga Pilipino ang gumagamit ng herbal at alternative medicine para sa simpleng sakit. Pero paano natin masisiguro na ito ay ligtas at epektibo? Ito ang dahilan kung bakit ipinasa ang Republic Act No. 8423, o Traditional and Alternative Medicine Act (TAMA) of 1997, para i-promote at i-regulate ang paggamit ng herbal at alternative medicines sa bansa.

Binuo sa ilalim ng batas ang Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care (PITAHC). Sila ang nangangasiwa sa pag-regulate at pag-promote ng traditional at alternative medicine. Sinusuportahan ng batas ang scientific research para siguraduhin na ang mga herbal treatments ay ligtas, epektibo, at pasado sa quality standards.

Paano Ina-Approve ang Herbal Medicines?

Para maaprubahan ang herbal medicines, kailangang:

• Dumaan sa scientific research na mino-monitor ng PITAHC at DOH.

• Sumunod sa quality standards sa paggawa, packaging, at pag-store ng produkto.

• Marehistro sa FDA bago ito maibenta sa merkado.

Ang mga herbal na gamot na pumasa sa requirements ay isinasama sa Philippine National Traditional Medicine Formulary, bilang opisyal na aprubado at ligtas gamitin.

Mga Kilalang Herbal na Aprubado ng DOH:

• Lagundi (para sa ubo)

• Sambong (para sa kidney stones at diuretic)

• Ampalaya (pang-kontrol sa diabetes)

• Tsaang Gubat (para sa pananakit ng tiyan)

• Yerba Buena (para sa pananakit ng katawan)

Bakit Mahalaga ang Batas na Ito?

Pinoprotektahan ng RA 8423 ang mga consumer para hindi lang basta paniniwala ang basehan ng paggamit ng herbal medicine kundi dapat ay may kasamang scientific proof. Nakakatulong ito para magbigay ng ligtas, abot-kayang healthcare options lalo na sa mga lugar na kulang sa access sa modernong gamot.

Ang RA 8423 ay nagsisiguro na ang paggamit ng herbal medicine sa Pilipinas ay dumadaan sa tamang proseso at pananaliksik. Sa tulong ng PITAHC at DOH, makasisiguro ang publiko na ang ginagamit nilang herbal medicine ay ligtas, subok, at aprubado ng gobyerno.

 

Larawan mula sa Pixabay