Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Team Amoy Asim’ lumutang sa imbestigasyon ng pekeng benepisyaryo ng OVP, DepEd funds

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-03-24 09:19:43 ‘Team Amoy Asim’ lumutang sa imbestigasyon ng pekeng benepisyaryo ng OVP, DepEd funds

Marso 24, 2025 – Maynila, Pilipinas – Isang panibagong listahan ng kaduda-dudang pangalan ang lumitaw sa nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay sa mga tumanggap umano ng confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd). Tinaguriang “Team Amoy Asim,” ang listahan ay isiniwalat ni La Union Representative Paolo Ortega V sa isang congressional inquiry.

Kasama sa listahan ang mga pangalang “Amoy Liu,” “Fernan Amuy,” at “Joug De Asim,” bukod sa iba pa. Ayon kay Ortega, kagaya ng naunang mga pangalan na nailahad, wala ring mga record ng kapanganakan, kasal, o kamatayan ang mga ito sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA).

"First, we had snacks, then mobile phones, and even fruits. Next came the ‘Dodong Gang.’ Now, we have ‘Team Amoy Asim.’ If the list itself already stinks with fake names, imagine the transactions behind it," ani Ortega.

Isinumite ng OVP at DepEd ang mga pangalan sa Commission on Audit (COA) bilang bahagi ng kanilang liquidation reports para sa P612.5 milyon na confidential funds na inilaan sa kanilang mga opisina.

Binigyang-diin ni Ortega na sa 1,992 na umano’y tumanggap ng pondo mula sa OVP, 1,322 ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records, at 1,593 ang walang death records. Sa panig naman ng DepEd, 405 sa 677 na pangalan ay walang birth records.

"This isn’t just simple negligence. The names on the liquidation are fake. Where is the accountability?" tanong ni Ortega. Dagdag pa niya, ang lumalaking bilang ng pekeng pangalan ay indikasyon ng isang sinadyang modus para abusuhin ang pondo ng bayan.

Si Bise Presidente Sara Duterte, na nasa sentro ng kontrobersya, ay hindi pa rin nagbibigay ng malinaw na paliwanag. Sa isang panayam sa The Hague, nang tanungin ukol sa mga kaduda-dudang pangalan, sinabi ni Duterte na hindi niya ma-verify ang mga dokumento dahil sa kawalan niya ng tiwala sa chain of evidence. Tinawag ito ni Ortega bilang isa na namang tangkang iwasan ang pananagutan.

Hinihingi ng taumbayan at ng mga mambabatas ang pagiging bukas at pananagutan mula sa mga sangkot. "The people deserve clear answers, not evasion," diin ni Ortega. Patuloy ang imbestigasyon habang sinisiyasat ng Kongreso ang ebidensya bilang paghahanda sa impeachment trial ni Duterte.

Image Courtesy of Official Facebook page of Inday Sara Duterte