Diskurso PH
Translate the website into your language:

Malacañang: Walang plano ang Marcos admin na muling sumali sa ICC

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-03-25 15:05:29 Malacañang: Walang plano ang Marcos admin na muling sumali sa ICC

Marso 25, 2025 — Nilinaw ng Malacanang na hindi nakikipag-ugnayan o nagpapahayag ng anumang planong muling sumali ang administrasyong Marcos sa International Criminal Court (ICC), sa kabila ng panibagong panawagan mula sa tagapagsalita ng korte at ilang international groups.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Geraldine Castro, wala pang desisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa usapin.

“As we speak, we have not yet discussed any plan of rejoining the ICC,” ani Castro sa isang press briefing.

“Iyong huli po nating nakausap ang Pangulo, tinanong po natin iyan nang personal at siya’y ngumiti lamang… wala pa talagang napag-uusapan patungkol doon.”

Ang pahayag ay kasunod ng pasasalamat ni ICC spokesperson Fadi El Abdallah sa pamahalaang Pilipino sa pakikiisa sa mga international accountability mechanisms at panawagan sa mga bansa, kabilang ang Pilipinas, na muling pag-isipan ang paglahok sa Rome Statute.

Binigyang-diin ni Castro na kahit may pakikipagtulungan ang gobyerno sa mga international law enforcement agencies tulad ng Interpol, hindi ito nangangahulugang kinikilala nila ang hurisdiksiyon ng ICC.

“There is no commitment on our part… if we will comply with any order issued by the ICC considering that the ICC as of the moment has no jurisdiction over the Philippines,” paliwanag niya.

Tugon naman ni Castro sa mga ulat tungkol sa posibleng asset freeze order mula sa ICC laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, hindi pa malinaw kung paano ito ipatutupad hangga’t walang desisyong nagmumula sa lokal na korte.

Nang tanungin kung mawawala ba kay Duterte ang kanyang retirement benefits sakaling siya’y mahatulan, nilinaw ni Castro na ito ay nananatiling haka-haka at kailangan pa rin ng ruling mula sa korte sa Pilipinas.

“Wala tayong pag-uusapan tungkol sa anumang forfeiture of benefits,” aniya, at muling iginiit na wala namang hurisdiksiyon ang ICC sa ngayon.

Sa ilalim ng umiiral na batas sa Pilipinas, ang mga dating pangulo ay tumatanggap ng ₱96,000 buwanang tax-free pension.

Samantala, nang tanungin kung may pagbati si Pangulong Marcos Jr. kay Duterte na magdiriwang ng kanyang ika-79 kaarawan sa Marso 28, sinabi ni Castro na kanyang ipapaalala ito sa Pangulo.

“Ako po may mensahe, kantahan natin ng happy birthday,” pabirong sagot niya.

Nanindigan ang Malacañang na walang nilabag na batas ang Pilipinas sa pagkakasuko ni Duterte kamakailan, at binanggit ang lokal na mga batas at pahayag ng mga kaalyado nito na kusang-loob umanong bumalik ang dating pangulo upang harapin ang mga kaso.