MANIBELA, tinapos ang transport strike sa harap ng DOTr
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-26 13:35:53
Marso 26, 2025 – Sa huling araw ng kanilang isang linggong transport strike, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga miyembro ng transport group na MANIBELA sa harap ng tanggapan ng Department of Transportation (DOTr) sa kahabaan ng EDSA, San Juan City, upang ipahayag ang mariing pagtutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno at sa polisiya ng konsolidasyon.
Higit 100 jeepney drivers ang lumahok sa kilos-protesta, tangan ang mga plakard na may nakasulat na “No to Jeepney Phaseout” at “No to Consolidation.”
Inakusahan ng grupo ang mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng panlilinlang sa publiko sa pamamagitan ng diumano'y maling datos.
Sa isang televised interview noong Lunes, nilinaw ni LTFRB Spokesperson Atty. Ariel Inton na ang 86% na bilang ay tumutukoy lamang sa mga operator na nagsumite ng aplikasyon para sa franchise consolidation, at hindi sa mga ganap nang nakumpleto ang proseso.
Ayon kay Inton, “Hindi lang naging maliwanag ang pagbibigay ng datos,” sabay banggit na tanging 43% lamang ng mga aplikante ang nakatupad na sa lahat ng requirements.
Iginiit ng MANIBELA na minamanipula ang mga numero upang palabasing malawak ang pagsunod at suporta sa direktiba ng konsolidasyon.
Muling nanawagan ang grupo na buwagin ang jeepney phaseout at itigil ang pagpapatupad ng konsolidasyon, na anila’y magreresulta sa pagkawala ng kabuhayan ng libu-libong tradisyonal na jeepney drivers.
Nagdulot ng abala sa trapiko ang kilos-protesta sa lugar, kung saan sinakop ng mga raliyista ang dalawang linya sa Connecticut Street bago lumipat sa EDSA at makaapekto sa dalawang southbound lanes.
Nagpadala ang Highway Patrol Group at San Juan Police ng mga tauhan upang bantayan ang sitwasyon at panatilihin ang kaayusan.
Bagaman nagkaroon ng pansamantalang abala, iniulat ng mga awtoridad na walang naging kaguluhan sa protesta. Inihayag ng MANIBELA na patuloy nilang lalabanan ang anila’y maka-uring patakarang ito, at nananawagan sila sa pamahalaan na makipagdayalogo nang seryoso sa mga manggagawa sa transportasyon.
