DFA: 4 na Pilipino, nawawala matapos ang lindol sa Myanmar
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-31 10:27:03
Marso 31, 2025 – Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na apat na Pilipino ang kasalukuyang nawawala matapos ang mapinsalang lindol na tumama sa Myanmar noong Biyernes. Ang lindol, na may lakas na 7.7 magnitude at may epicenter malapit sa Mandalay, ay nagdulot ng malawakang pinsala at matinding bilang ng nasawi.
Kinumpirma ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa isang panayam sa radyo nitong Linggo na hindi dalawa kundi apat na Pilipino ang hindi pa natatagpuan. “The latest information is that four [Filipinos] are unaccounted for, not just two,” ani de Vega.
Kabilang sa mga nawawala ang mag-asawang naninirahan sa isang gusaling gumuho dahil sa lindol. “Two were together, and they were in a building that collapsed, which was their residence. All of them are professionals, including teachers and office workers,” dagdag niya.
Umabot na sa mahigit 1,600 ang kumpirmadong nasawi, habang higit sa 3,000 ang sugatan. Inaasahang tataas pa ang bilang habang nagpapatuloy ang rescue operations. Nagpadala na ng humanitarian assistance team ang pamahalaang Pilipino upang tumulong sa pagsagip ng mga apektado.
Nagpahayag ng pakikiisa si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa Myanmar, at sinabing, “We stand in solidarity with Myanmar during this difficult time. The Philippines is ready to respond to the urgent needs of our neighbors, and we are mobilizing resources to provide assistance as quickly as possible.”
Nagsagawa rin ng interagency meeting ang Office of Civil Defense (OCD) para maayos ang koordinasyon ng tulong mula sa Pilipinas. Ayon kay OCD Administrator Ariel Nepomuceno, handang tumugon ang iba’t ibang ahensya base sa kanilang karanasan sa mga lindol.
Nag-deploy din ng team ang Philippine Embassy sa Yangon upang alamin ang kalagayan ng mga Pilipinong nasa Myanmar at matukoy kung anong tulong ang kinakailangan.
Samantala, itinanggi ng Philippine Embassy sa Bangkok ang mga ulat na may sampung Pilipinong namatay sa Thailand dulot ng lindol. Ayon kay Ambassador Millicent Paredes, “false information” ang naturang balita at wala ring Pilipinong humingi ng tulong mula sa embahada.
Umapela ang DFA ng patuloy na panalangin para sa kaligtasan ng mga nawawala at binigyan ng impormasyon ang publiko kung paano makakontak sa embahada. Maaaring tumawag sa hotline +959985210991 o magpadala ng mensahe sa opisyal na Facebook Messenger ng Philippine Embassy sa Yangon.
Image Courtesy of AP
