Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pilipinas, nakatakdang ipadeport ang 84 Chinese POGO workers

Ipinost noong 2025-04-11 21:05:51 Pilipinas, nakatakdang ipadeport ang 84 Chinese POGO workers

Abril 11, 2025 — Pina-deport ng Philippine government nitong Biyernes ang 84 Chinese nationals na nagtatrabaho sa iba't ibang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sites sa bansa. Ang mga workers na ito ay dating empleyado sa POGO hubs na ni-raid ng mga awtoridad sa Bamban, Tarlac; Lapu-Lapu City, Cebu; Pasay City; at Parañaque City.

Ang deportation ay pinangasiwaan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa illegal gambling activities na konektado sa POGOs.

Ayon kay PAOCC Executive Director Gilbert Cruz, dumaan muna ang mga indibidwal sa proseso ng immigration bago sila pinasakay sa kanilang flight.

“Ang ginagawa kasi diyan 45 days po silang ika-quarantine ano and then after that yung Chinese authorities will be checking on yung participation nila rito kung anong krimen ang pwedeng isampa sa kanila sa China,” ani Cruz.

Ipinaliwanag ni Cruz na ang deportation nitong Biyernes ay bahagi ng mas malawak na plano na paalisin ang humigit-kumulang 1,000 POGO-linked workers.

“Kasi nga sobra-sobra na yung nakakulong natin dito sa atin yung mga nahuhuli natin na mga POGO workers at ito yung part POGO 1,000. So far nakakahigit kumulang 200 na kami so we’re looking at another 800 pa,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Cruz na hindi itinuturing ng Chinese authorities na biktima ang mga indibidwal na ito, kundi mga suspects na maaaring maharap sa kaso para sa mga krimen na ginawa sa Pilipinas.

“Ito yung kinatatakot nila, yung mai-deport sila ng diretso sa China… They have to face yung kasalanang ginawa nila dito sa atin kasi talagagang hindi sila kino-consider na mga biktima pag sa China,” aniya.

Samantala, si “Mae,” asawa ng isa sa mga deported Chinese nationals, ay naghayag ng kanyang pagkabalisa sa pag-alis ng kanyang asawa.

“Syempre balisa, nalulungkot ganun. Syempre, magkakahiwalay na kami. Wala na kong magagawa,” sabi niya.

“Sa experience ko hindi naman sila lahat masama… kasi yung iba mabait naman eh, kasi nakakasalamuha namin, mga kaibigan ng asawa ko,” dagdag niya.

Ayon kay Mae, ang kanyang asawa ay dating nagtatrabaho sa isang Chinese restaurant bago lumipat sa POGO sector dahil sa rekomendasyon ng kaibigan. Umaasa siya na mabilis na ma-release ang kanyang asawa sa China upang sila ay muling magkasama.

Noong nakaraang taon, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang crackdown sa POGOs dahil sa umano’y paggamit nito bilang front ng organized crime, kabilang ang human trafficking, money laundering, online scams, kidnapping, at maging murder.

Larawan: Radyo Pilipinas/Facebook