Diskurso PH
Translate the website into your language:

DepEd, naglunsad ng bagong hakbang laban sa bullying sa mga paaralan

Ipinost noong 2025-04-12 18:45:39 DepEd, naglunsad ng bagong hakbang laban sa bullying sa mga paaralan

Abril 12, 2025 — Mas pinaiigting ng Department of Education (DepEd) ang kampanya nito laban sa bullying, gamit ang mga bagong reporma na tumutugon sa tradisyonal at modernong uri ng pang-aabuso, kabilang ang online harassment.

“Bullying has no place in schools (Walang lugar ang bullying sa mga paaralan),” ayon sa DepEd sa isang anunsyo noong Abril 12, kung saan binigyang-diin ang mabilis na aksyon at patuloy na pagsisikap para sa isang ligtas at suportadong learning environment para sa mga estudyante.

Muling pinagtibay ng DepEd ang pangako nito sa proteksyon ng mga bata, partikular sa mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Bullying Act of 2013, na isinulat ni Education Secretary Sonny Angara noong senador pa siya.

Narito ang ilan sa malalaking reporma na inilatag ng DepEd para palakasin ang kanilang anti-bullying framework:

  • Comprehensive Assessment – Sinimulan noong Nobyembre 2024 ang CPC Functionality Assessment Tool para tiyaking aktibo at epektibo ang mga Child Protection Committees (CPCs).
  • Policy Updates – Binabago ng DepEd ang Implementing Rules and Regulations (IRRs) ng Anti-Bullying Act at Safe Spaces Act upang mas matugunan ang peer violence at online harassment.
  • Training Programs – Pinalawak ang training para sa guidance counselors, child protection officers, school heads, at mga magulang upang mas tumibay ang anti-bullying initiatives.
  • Values Formation – Simula SY 2025–2026, isasama sa K to 10 curriculum ang anti-bullying lessons sa GMRC, Values Education, at Edukasyon sa Pagpapakatao.
  • Interventions – Ang mga estudyanteng nasangkot sa bullying incidents ay sasailalim sa counseling na tututok sa empathy, accountability, at behavior change.
  • Mental Health Support – Alinsunod sa Basic Education Mental Health Act, pinalalawak ng DepEd ang mental health services sa mga paaralan.

“DepEd remains committed to working with parents, teachers, and communities to ensure learners feel safe and empowered in schools (Patuloy na makikipagtulungan ang DepEd sa mga magulang, guro, at komunidad para matiyak na ligtas at empowered ang mga mag-aaral sa paaralan),” ayon pa sa pahayag ng ahensya.

Kahit sa kabila ng mga pagsisikap, nananatiling malaking problema ang bullying, lalo na sa Metro Manila, ayon sa Congressional Commission on Education (EDCOM II).

Sa isang bagong EDCOM report, tinawag ang Pilipinas bilang “bullying capital of the world”, batay sa dami ng mga kaso na naiulat ng mga estudyante.

Ayon sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), 65% ng Grade 10 students sa Pilipinas ay nakaranas ng bullying ilang beses sa isang buwan—pinakamataas sa lahat ng bansang sumali sa survey.

Sa 2022 PISA findings, bahagyang bumaba ang bilang, ngunit lumabas na isa sa bawat tatlong estudyante ay binu-bully pa rin linggu-linggo.

Bagamat physical bullying ang pinaka-karaniwan, tinukoy din ng EDCOM ang paglaganap ng verbal abuse, social exclusion, at cyberbullying.

Dahil dito, binigyang-diin ng EDCOM ang pangangailangan na i-update ang Implementing Rules ng Anti-Bullying Act of 2013, dahil hindi na ito tumutugma sa kasalukuyang sitwasyon sa mga paaralan.

Upang matugunan ito, bumuo ng isang technical working group na binubuo ng mga DepEd officials, child rights advocates, at education experts para suriin at baguhin ang mga patakaran sa batas.

Larawan: PonyWang/Canva