MWSS, tiniyak na walang kakulangan sa tubig sa Metro Manila ngayong tag-init
Ipinost noong 2025-04-12 18:45:37
Abril 12, 2025 — Muling tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na walang kakaharaping kakulangan sa tubig ang Metro Manila at mga kalapit na probinsya ngayong tag-init, dahil may sapat na supply sa mga reservoir.
“Nakapag-ipon tayo for this summer, kaya ine-expect natin na hindi magkakaroon ng kakulangan [sa supply] ng tubig...,” ayon kay Patrick Dizon, MWSS acting deputy administrator, sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.
Ipinahayag ni Dizon na kasalukuyang nasa 208 meters ang water level ng Angat Dam sa Bulacan, mas mataas kaysa sa 195 meters noong nakaraang taon sa parehong panahon.
“Sa ganitong elevation na 208 meters, hindi tayo magkakaroon ng water shortage this year,” dagdag pa niya.
Ayon sa MWSS, 90% ng supply ng tubig sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya ay mula sa Angat Dam. Subalit, unti-unti nang bumababa ang dependency dito habang nagiging operational na ang ibang bagong dam.
“Last year, nasa 96% ang ating dependency sa Angat Dam. Sa ngayon, napababa na natin ito sa 90%. Kapag na-operate na ang Wawa Dam, magiging 86% na lamang ito... By December 2025, mao-operate na ang Wawa Dam,” paliwanag ni Dizon.
Ang Upper Wawa Dam, na matatagpuan sa Rodriguez, Rizal, ay inaasahang magbibigay ng mahigit 700 milyong litro ng tubig kada araw, na makikinabang ang mga residente sa Metro Manila at Rizal province.
Larawan: bee32/Canva
