Quezon City, ipinagbawal ang single-use plastic sa mga gusali ng pamahalaan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-04-22 18:36:44
Abril 22, 2025 — Ipinagbawal na ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang paggamit ng mga disposable at single-use plastic sa City Hall at sa lahat ng gusaling pinapatakbo ng lokal na pamahalaan. Ang pagbabawal ay nakasaad sa Executive Order No. 3 na epektibo simula Abril 21, 2025, bilang bahagi ng mas malawak na kampanya ng lungsod para sa kalikasan.
Ayon sa bagong patakaran, hindi na pinapayagan sa loob ng mga pasilidad ng gobyerno ang paggamit ng plastic bags, styrofoam packaging, disposable dishware, plastic utensils, PET bottles, at paper cups.
Inatasan ang mga kawani ng pamahalaan na magdala ng sariling reusable containers kapag bumibili ng pagkain para sa takeout. Pinapayagan ang mga bisita na tumanggap ng disposable containers kung hihilingin, ngunit hindi nila ito maaaring ipasok sa loob ng mga tanggapan ng gobyerno.
Bawal din ang mga delivery na may plastic packaging, ngunit maaaring tumanggap ng food delivery ang mga opisina kung isasauli ng mga ito ang packaging sa mga itinakdang booth.
Binigyang-diin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pangangailangang bawasan ang basura mula sa plastic. “Plastic waste clogs our drainage systems and contributes to severe flooding, as seen during recent typhoons. Plastic pollution is a growing crisis that endangers our health, our economy, and especially the well-being of our most vulnerable communities. Plastic even chokes our marine animals,” aniya.
Pinalalakas ng kautusang ito ang naunang Green Public Procurement Ordinance ng lungsod, na nagtataguyod ng paggamit ng reusable at recyclable materials sa mga aktibidad ng pamahalaang lungsod.
Mahaharap sa parusa ang mga vendor na lalabag sa polisiya, habang ang mga empleyado ay bibigyan ng pormal na memorandum o reprimand kapag hindi sumunod.
Umaasa ang Quezon City government na ang hakbang na ito ay magiging inspirasyon para sa iba pang lokal na pamahalaan at mga pribadong institusyon upang isulong ang circular economy at mga programang makakalikasan.
“We hope that this policy inspires other government units and private institutions to champion circular economy and sustainability, and to reduce—or avoid—unnecessary plastic waste,” dagdag ni Belmonte.
