Diskurso PH
Translate the website into your language:

₱20 kada kilo na bigas ilulunsad na sa Visayas — DA

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-04-23 16:50:28 ₱20 kada kilo na bigas ilulunsad na sa Visayas — DA

Abril 23, 2025 — Inilunsad na ng Department of Agriculture (DA) ang programang magbebenta ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo sa rehiyon ng Visayas, bilang pagtupad sa pangakong kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing abot-kaya ang presyo ng bigas para sa mga Pilipino.

Inanunsyo ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang programa sa isang press conference sa Cebu Provincial Capitol ngayong Miyerkules.
“This program is a directive from the President, who wants it to be sustainable and implemented nationwide by 2028,” pahayag ni Laurel.

Ipapatupad ang ₱20/kilo rice program sa Western, Central, at Eastern Visayas simula sa susunod na linggo. Ayon kay Laurel, uunahing makinabang ang mga piling benepisyaryo sa tulong ng pakikipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs).

Ipinaliwanag niya na ang subsidized price ay sasagutin ng pambansang pamahalaan at ng LGU. Halimbawa, kung ang presyo ng bigas sa merkado ay ₱33 kada kilo, babayaran ng pamahalaan ang ₱13 upang maibenta ito ng ₱20 kada kilo.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagsasaayos ng value chain sa produksyon ng bigas. “The aspiration hinges on addressing the series of stages involved in producing rice, ensuring each stage adds value to the product,” aniya sa isang closed-door meeting kasama ang 12 gobernador mula sa Visayas.

Ayon sa DA, lilimitahan ang pagbili sa 10 kilo ng bigas kada linggo bawat household upang masigurong patas ang distribusyon.

Tiniyak din ni Laurel na may sapat na hakbang upang masuportahan ang mga magsasaka at mapanatili ang lebel ng produksyon ng bigas habang ipinatutupad ang programa.