Overloaded dump truck bumangga sa bahay sa rizal, 5 sugatan
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-04-23 11:53:52
ABRIL 23, 2025 — Sugatan ang limang katao nang bumangga sa isang bahay ang isang dump truck na puno ng buhangin sa Corazon Aquino Avenue, Teresa, Rizal, madaling-araw noong Martes, April 22, 2025.
Ayon sa awtoridad, nawalan ng kontrol ang truck na galing Antipolo papuntang Morong dahil sa sira ang preno.
"Pagdating dito sa Teresa, ang sabi ng driver naramdaman niya na nawalan ng preno. So sa sobrang bigat nung truck na puno ng buhangin, hindi niya na-control kaya bumangga sa isang bahay," pahayag ni Police Major Edzel Macasero, hepe ng pulisya sa Teresa.
Nakatanggap ng minor injuries ang driver at ang helper nito, pero naipit sila sa loob ng sasakyan.
"Yung driver na-trap siya sa truck, ni-rescue pa nga siya. Injured din siya eh, kasama 'yung helper na na-trap," dagdag ni Macasero.
Pahirapan naman na nailabas ang tatlo pang biktima — isang mag-asawa at ang anak nila — sa loob ng bahay na halos gumuho na.
"Dinaan sila sa taas kasi walang madaanan dahil natakpan 'yung kanilang pintuan," ayon kay Arnel Caliwan, officer-in-charge ng Teresa Office of Public Safety and Services.
Sa pagkakaalala ni Mila Tamayo, isa sa mga biktima: “Akala namin lumindol o bumagsak 'yung bahay namin. Meron pa po akong takot o nerbyos, hindi ko pa po maintindihan kasi panay bugbog pa po 'yung katawan namin dahil sa nalaglag na kahoy na mabibigat.”
Na-discharge nang maayos ang lahat ng biktima pagkatapos ng medical check-up. Hindi na nagsampa ng kaso dahil sagot ng truck company ang lahat ng gastusin sa ospital at pag-aayos ng bahay.
(Larawan: Facebook)
