Tatlong bagong batas nilagdaan ni PBBM para sa sundalo, edukasyon, at enerhiya
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-04-25 12:39:12
Abril 25, 2025 — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang tatlong mahalagang batas na layong palakasin ang legal na suporta para sa uniformed personnel, kilalanin ang ambag ng support staff sa edukasyon, at palawigin ang mandato ng isang pangunahing ahensiya sa sektor ng enerhiya.
Pinirmahan noong Abril 15, 2025, ang Republic Act No. 12177 o ang Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act. Inaatasan nito ang pamahalaan na magbigay ng libreng legal na tulong sa mga military at uniformed personnel (MUPs) na nahaharap sa kaso kaugnay ng kanilang opisyal na tungkulin.
Sakop ng batas ang mga aktibo, retirado, o maayos na nahiwalay o na-discharge na tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Coast Guard, Bureau of Corrections, at National Mapping and Resource Information Authority Hydrography Branch.
Kabilang sa tulong ang legal na representasyon, payo, at paghahanda ng mga dokumentong legal. Sagot ng pamahalaan ang mga bayarin at gastusin. Inaatasan din ang mga pinuno ng ahensiya na magtalaga ng legal officer sa loob ng 24 oras mula sa pagkaka-notify ng kaso.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, "is proof that the Marcos administration does not leave its defenders behind."
Kasabay nito, nilagdaan din noong Abril 15 ang Republic Act No. 12178, na nagdedeklara sa Mayo 16 kada taon bilang National Educational Support Personnel Day, isang special working holiday upang kilalanin ang papel ng non-teaching personnel sa sektor ng edukasyon.
Ang Department of Education at Commission on Higher Education ang mangunguna sa taunang pagdiriwang, na maglalaman ng mga aktibidad upang parangalan ang mga admin staff, librarian, guidance counselor, at iba pang support personnel sa mga paaralan.
Samantala, Republic Act No. 12179 ay naging batas sa pamamagitan ng paglapso noong Abril 18, 2025. Inaamyendahan nito ang Section 50 ng Electric Power Industry Reform Act of 2001, na nagpapalawig ng corporate life ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation ng sampung taon mula sa orihinal nitong pagtatapos sa Hunyo 26, 2026.
Ang PSALM ang may tungkuling pangasiwaan ang pagbebenta ng mga power asset at pagbabayad sa utang ng pamahalaan sa sektor ng enerhiya. Ayon kay Senador Mark Villar, na siyang sponsor ng panukala, ang pagpapalawig ay magbibigay ng "sufficient time to settle existing obligations" at para mas epektibong pamahalaan ang mga asset at liability portfolio.
Ipinapakita ng mga bagong batas na ito ang pagtutok ng administrasyong Marcos sa kapakanan ng uniformed personnel, pagpapahalaga sa mga educational support staff, at responsableng pamamahala sa sektor ng enerhiya.
Image PCO
