Pastor sa Rizal, arestado sa ilegal recruitment na nakakubli bilang aktibidad ng simbahan
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-04-29 18:06:57
ABRIL 29, 2025 — Arestado ang isang pastor sa Baras, Rizal, dahil sa umano’y ilegal na recruitment na nakabalot bilang church mission, kung saan mismong mga miyembro ng kanyang simbahan ang target. Biglang sinalakay ng Department of Migrant Workers (DMW) at National Bureau of Investigation (NBI) ang kapilya matapos isumbong ng mga biktima ang modus.
Ayon sa isang nagreklamo na nagpakilalang si Jess, inalok sila ng pastor ng biyahe papuntang Japan gamit ang tourist visa, at nangako pa ito ng malaking sahod pagdating doon.
“Pagkatapos po magsimba, after po ng Sunday service, nag-o-orient po siya na, 'yun nga po, nag-o-offer siya na pupunta raw po sa Japan, pero tourist visa lang po. Pero nangangako po siya sa amin na pagdating sa Japan, may trabaho po kaming dadatnan doon at ang sahod po namin is P70,000 to P100,000,”* sabi ni Jess.
Nagbayad ang mga biktima ng ₱40,000 hanggang ₱60,000 bawat isa, pero peke pala ang mga dokumento.
Nabunyag ang modus nang ma-offload sa airport ang 16 na aplikante dahil sa hindi valid na papeles.
“Noong pumunta po kami sa airport, 27 po kami lahat. 'yung 11 po, pinauwi niya kasi sabi po niya, wala na raw pong ma-slot para sa ticket. So, 16 po kami natira. So, 16 po kami na-offload. Naharang po kami sa immigration,”* kwento ni Jeff.
Pinagtanggol naman ng pastor ang kanyang sarili at sinabing boluntaryo ang mga biyahe.
“Sir, 'yung offer sa amin na ‘yun, during sa church, sabi namin kung sino lang 'yung willing, take it or leave it, kasi ito, 'yung sa pag-travel namin, meron lang offer. Ito po, ito po sila na nagbigay po ng contribution, nakalagay naman po roon roundtrip ticket nila bilang turista,” giit niya.
Kumpirmado ni DMW Undersecretary Bernard Olalia na ginamit ang kapilya para sa scam.
“Noong makarating sa amin ang balita, vinalidate namin nang ilang beses. Ayaw nating may masira. Pero isa itong kapilya at sa kasamaang palad ang una nilang mga naloko at nabiktima ay 'yung mga kapwa nila parishioners, 'yung mga miyembro mismo ang nagsumbong,” pahayag niya.
May ilang nakarating sa Macau, pero pinabayaan na lang silang maghanap ng kani-kanilang mga trabaho.
(Larawan: YouTube)