Armed holdapers sa Japanese restaurant sa Makati, ibinalik ang mga ninakaw na cellphone
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-05-06 09:03:50
MAYO 6, 2025 — Pumasok ang dalawang armadong lalaki sa isang Japanese restaurant sa Arnaiz Avenue, Makati noong Linggo ng gabi. Hinoldap nila ang mga customer gamit ang baril — pero nagulat ang lahat nang biglang binalik ang mga ninakaw na cellphone ilang minuto pagkatapos.
Nakasuot ng helmet at may dalang handgun, pumasok ang mga suspek bandang 6:35 p.m. Pinagkukuha nila ang pitaka at cellphone ng mga tao, kasama ang P25,000 mula sa isang Hapon na customer. Subalit, matapos tumakas, isa sa mga magnanakaw ang bumalik para lang isauli ang mga telepono bago muling umalis gamit ang motorsiklo.
Inamin ni Police Major Anthony Bagsik, commander ng Sub Station 5, na kakaiba ang ginawa ng mga suspek. Sa karaniwan kasi, kinukuha nila lahat. Pero sa kasong ito, may pagkakataon sila, subalit ibinalik pa rin ang ilang kagamitang nanakaw na
Ikinagulantang din ito ni Makati police chief Colonel Jean dela Torre: “The normal robbery, usually nangyayari, wala kang ititira, kukunin mo lahat given the chance. And nandun na yung chance para puwede mong makuha supposedly yung mga gamit.”
Walang nasaktan, at bukod sa pera ng biktimang Hapon, wala nang ibang nawala. Kahit hindi na magrereklamo ang dayuhan, aktibong nag-iimbestiga ang pulisya.
“Itutuloy po natin ito para mas malaman natin kung ano ang tunay na motibo,” sabi ni Dela Torre, at kinumpiraming may mga persons of interest na sila.
(Larawan: Instagram)
