PAGASA: 33 lugar, kabilang ang Metro Manila, nakaranas ng mapanganib na init
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-06 09:33:32
Mayo 6, 2025 – Naglabas ng babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) matapos umabot sa mapanganib na antas ang heat index sa 33 lugar sa bansa, kabilang ang Metro Manila.
Ayon sa ulat ng PAGASA, naitala ang pinakamataas na heat index sa ISU Echague, Isabela na umabot sa 45°C. Sumunod dito ang Tuguegarao City, Cagayan; Sangley Point, Cavite City; at Daet, Camarines Norte na may 44°C. Sa Metro Manila, umabot sa 43°C ang heat index sa NAIA, Pasay City at Science Garden, Quezon City.
Nagbabala ang ahensya na ang heat index na 42°C pataas ay may seryosong banta sa kalusugan tulad ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke. Pinayuhan ang publiko na uminom ng sapat na tubig, umiwas sa direktang sikat ng araw, at mag-ingat lalo na mula 10:00 a.m. hanggang 4:00 p.m. kung kailan pinakamataas ang temperatura.
Binigyang-diin ni PAGASA Administrator Nathaniel T. Servando ang kahalagahan ng pagsusubaybay sa heat index. “iHeatMap empowers Filipinos with real-time, science-based heat index data—so they can make informed, timely, and potentially life-saving decisions,” ani Servando.
Ayon sa PAGASA, ang matinding init ay dulot ng easterlies na nagdadala ng mainit na hangin mula Pacific Ocean, kasabay ng malinaw na kalangitan na nagpapalakas ng init mula sa araw.
Samantala, inaasahang makakaranas ng kaunting pag-ulan ang Visayas, Caraga, at Davao Region dahil sa mga kaulapan at thunderstorms na maaaring magdala ng panandaliang ginhawa mula sa init.
Nanawagan ang mga awtoridad sa mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng hakbang tulad ng pagbabago ng oras ng klase at pagbibigay ng “heat breaks” sa mga outdoor worker.
Pinapayuhan ang publiko na subaybayan ang iHeatMap ng PAGASA para sa real-time na impormasyon at sundin ang mga rekomendadong hakbang upang maiwasan ang heat-related illnesses.
Image from DOST