Diskurso PH

Palasyo, bumuwelta kay Sara Duterte: Hindi ka ba isa sa mga problema ng bansa?


Mary Jane Barrera • Ipinost noong 2025-05-09 21:31:16
Palasyo, bumuwelta kay Sara Duterte: Hindi ka ba isa sa mga problema ng bansa?

Mayo 9, 2025 — Nagpalabas ng matinding reaksiyon ang Malacañang laban sa mga pahayag ni Vice President Sara Duterte sa PDP-Laban Miting de Avance, kung saan tila pinuna niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Duterte ang umano’y kapalit ng maling pagpili ng pinuno ng bansa. “Pinagbabayaran natin ngayon ang pagpili ng maling lider,” ani niya. Bagamat walang pinangalanan, maraming nakabasa ng patutsada laban sa kasalukuyang administrasyon—na dati rin niyang kinabibilangan bilang kalihim ng edukasyon.

Sa isang press briefing nitong Biyernes, bumuwelta si Palace Press Officer Claire Castro at sinabing baka mas bagay kay Duterte mismo ang kanyang puna. “So, at that time, nakikita natin kung papaano nga ba napabayaan ang education sector dahil 1.5 million DepEd laptops stuck in warehouses since 2020 at hindi pa niya ito nagawan ng paraan bilang namumuno sa DepEd noon,” sabi ni Castro.

Binanggit din niya ang ilang isyu noong pamumuno ni Duterte sa DepEd, gaya ng nasayang na bilyon-bilyong halaga ng gatas at Nutribun para sana sa mga estudyante. Dagdag pa ni Castro, “At mayroon din pong nabisto or agarang nasolusyunan ni Education Secretary Sonny Angara patungkol po doon sa ghost students na may halaga pong na-recover na P65 million.” Tinapos niya ito sa matinding tanong: “So, hindi po ba siya ang problema ng bansa o isa sa mga problema ng bansa?”

Pinalitan ni Education Secretary Sonny Angara si Duterte noong 2024 matapos nitong bumitiw bilang miyembro ng Marcos Cabinet.

Sa naturang rally, sinabi rin ni Duterte na may systematic demolition job umano laban sa kanyang pamilya. “In the past months, my name and my family’s name have been dragged through the mud. I have repeatedly said this before, and I will say it again now—I am not the problem of this country (Sa mga nakaraang buwan, ang pangalan ko at ang pangalan ng pamilya ko ay inilublob sa putik. Paulit-ulit ko na itong sinabi noon, at uulitin ko ulit ngayon—hindi ako ang problema ng bansang ito),” giit niya.

Sa paglalim ng bangayan, kitang-kita na ang lumalawak na puwang sa pagitan ng dalawang dating magkaalyado na parehong tumakbo sa ilalim ng UniTeam noong 2022.

Larawan: Mindanao Daily News/Facebook