Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lasing na lalaki, binalibag ang tuta sa Pasig; haharap sa kasong animal cruelty

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-05-16 10:04:12 Lasing na lalaki, binalibag ang tuta sa Pasig; haharap sa kasong animal cruelty

MAYO 16, 2025 — Isinasailalim sa imbestigasyon ang isang lalaki sa Pasig City dahil sa umano’y paghagis at paghampas sa isang tuta, na nagresulta sa pagkabali ng binti nito na posibleng ma-amputate. Nakuha sa video ang insidente sa Barangay Santolan, na nagdulot ng galit sa mga nakasaksi dahil sabi nila, lasing ang suspek bago nito inatake ang walang kalaban-labang aso.

Ayon sa may-ari, pinsan niya ang akusado at bigla raw itong naging marahas.

“Tapos po sabi niya, ‘Ay nangangagat ka?’ Bigla niya pong pinaghahabol po ng tsinelas, hinampas-hampas niya po. Sinipa niya pa po ‘yun,” kwento niya.

Dahil sa pananakit, hindi na makatayo sa sakit ang tutang si Kikiam.

Kahit siya ang nanakit, naghain pa ng reklamo sa barangay ang suspek — isang tricycle driver — at nagsabing kinagat siya ng tuta. Pero wala namang nakitang sugat ang mga opisyal.

Dinala agad si Kikiam sa vet, at lumabas sa X-ray na may bali ang buto nito.

“Kapag ‘di daw gumaling o nakuha sa gamot, baka putulin 'yung isang paa niya,” sabi ng isang saksi.

Kinumpirma ni Barangay desk officer Ronaldo Cruz na tumakas ang suspek papuntang Pampanga pagkatapos ng insidente.

“Noong makita po nila 'yung tricycle, iba na po 'yung bumibiyahe. At ang sabi po ng tiyahin, wala na raw doon, umalis, nagtago. Nagpunta na po ng Pampanga,” ani Cruz.

Binigyang-diin ni Atty. Anna Cabrera ng PAWS, “Ito ay clearly acts of cruelty. Ito 'yung exact act na pinagbabawal ng Animal Welfare Act.”

Maaaring makulong ng 1–2 taon ang suspek.

Naninindigan ang may-ari na itutuloy ang legal na aksyon, habang hinihimok ng mga awtoridad ang suspek na sumuko.

 

(Larawan: Facebook)