Diskurso PH
Translate the website into your language:

MMDA muling magpapatupad ng NCAP sa Mayo 26

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-05-21 13:31:39 MMDA muling magpapatupad ng NCAP sa Mayo 26

Mayo 21, 2025 – Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na muling ipapatupad ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Mayo 26, 2025, matapos bahagyang alisin ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) laban dito.

Kinumpirma ni MMDA Chairperson Romando Artes ang pagbabalik ng NCAP at sinabi, “Wala naman pong pagbabago. Dati naman na po naming ini-implement 'yan. Na-TRO lang po.”

Sa ilalim ng patakaran, huhulihin ang mga traffic violation gamit ang mga CCTV camera sa halip na personal na sitahin ng mga enforcer.

Paliwanag ni Artes, “Basically, 'yung mga violations po instead na physically na i-apprehend ng ating enforcers, ay CCTV cameras na po ang huhuli. Then, ipapadala na lang po namin 'yung notice of violation sa registered address nila sa [Land Transportation Office].”

Nilinaw ng Korte Suprema na nananatili ang TRO para sa mga lokal na ordinansang nagpatutupad ng NCAP. Kaya't ang MMDA lamang ang pinayagang magpatupad ng patakaran sa mga pangunahing kalsada gaya ng EDSA at C-5.

Ayon kay Atty. Camille Ting, tagapagsalita ng Korte Suprema, “It can only be implemented by the MMDA in major thoroughfares, kasi ‘yung MMDA resolution only refers to major thoroughfares, especially C5 and EDSA.”

Naglagay ang MMDA ng mas maraming CCTV camera upang palakasin ang pagbabantay at pagpapatupad ng batas-trapiko. Maaaring i-apela ng mga motorista ang mga violation notice sa pamamagitan ng Facebook page at website ng ahensya.

Una nang sinuspinde ang NCAP noong Agosto 2022 matapos kuwestyunin ng ilang transport groups ang legalidad ng patakaran. Sa pagbabalik nito, layunin ng MMDA na palakasin ang disiplina sa kalsada at maibsan ang trapiko sa mga abalang lansangan ng Metro Manila.