Diskurso PH
Translate the website into your language:

OWWA officials tinanggal dahil sa maanomalyang transaksyon

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-05-21 17:04:30 OWWA officials tinanggal dahil sa maanomalyang transaksyon

Mayo 21, 2025 – Kinumpirma ng Malacañang ang pagtanggal kay OWWA Deputy Administrator Emma Sinclair kaugnay ng umano’y maanomalyang transaksyon sa pagbili ng lupa na kinasasangkutan din ng dating OWWA Administrator Arnell Ignacio.

Inihayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa isang press briefing na nawalan ng tiwala ang pamahalaan sa dalawang opisyal dahil sa ₱1.4-bilyong land acquisition deal.

“Maliban po diyan, mayroon pa pong isa na makakasama, ang deputy [administrator] na si Emma Sinclair, pareho po silang tinanggal. Hindi po sila pinagresign,” pahayag ni Castro, na binigyang-diin na parehong tinanggal sa puwesto ang mga opisyal at hindi basta pinagretiro.

Patuloy na iniimbestigahan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang transaksyon na umano’y hindi inaprubahan ng OWWA Board of Trustees.

Nilagdaan ang kasunduan sa pagbili ng lupa noong Setyembre 2024 para sa pagtatayo ng halfway house o dormitory para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) malapit sa NAIA Terminal 1.

Kinumpirma ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na sinusuri pa ng ahensya kung itutuloy pa ang proyekto. “We are still gathering details to file the appropriate case with the appropriate agency or branch of government,” aniya.

Bukod sa maanomalyang kasunduan, inaakusahan sina Sinclair at Ignacio ng pamemeke ng property records sa BIR at Registry of Deeds para mabawasan ang buwis ng ₱84 milyon.

Ayon sa Palace Press Office, isang reklamo mula sa mga whistleblower ang nag-udyok sa agarang pagpapatalsik kay Ignacio.

Sa kabila ng kontrobersiya, tiniyak ng mga opisyal na hindi nagalaw ang OWWA trust fund para sa transaksyon.

“Based on the initial investigation, the OWWA trust fund was not affected. But it is still being investigated if part of it was used,” paglilinaw ni Castro.

Nangako ang pamahalaan na pananagutin ang lahat ng sangkot sa nasabing transaksyon bilang bahagi ng kampanya nito para sa transparency at maayos na pamamahala ng pondo ng bayan.