Makasaysayang post office sa Maynila, isasaayos na
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-23 11:27:30
MAYNILA, Pilipinas — Pormal nang inilunsad ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang restoration phase ng Manila Central Post Office, halos dalawang taon matapos ang sunog na tumupok sa makasaysayang gusali noong Mayo 21, 2023.
Binigyang-diin ni PHLPost Postmaster General at CEO Luis Carlos ang kahalagahan ng proyekto sa isang pahayag: “This project is about honoring our past, preserving our identity, and showing the strength and unity of our people through heritage conservation and nation-building.”
Ngayong Mayo, ilalabas ng PHLPost ang Terms of Reference (TOR) para sa Detailed Architectural and Engineering Design (DAED), na magsisilbing teknikal na gabay sa rehabilitasyon ng gusali.
Tiniyak ng ahensya na ang disenyo ay susunod sa mga makabagong pamantayan ng kaligtasan, accessibility, at sustainability habang pinangangalagaan ang makasaysayang anyo ng estruktura.
Isang structural assessment mula sa Department of Tourism (DOT) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang nagsabing matatag pa ang gusali at maaaring i-retrofit. Nauna nang idineklara ng Bureau of Fire Protection na aksidente ang sunog noong 2023.
Nakipagtulungan na ang PHLPost sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa repainting ng facade at nagsagawa ng konsultasyon sa mga cultural agency upang matiyak ang pagsunod sa pamantayan ng heritage restoration.
Pinangungunahan ng Office of the First Lady at Office of the Executive Secretary ang proyekto, katuwang ang Department of Budget and Management (DBM), Department of Public Works and Highways (DPWH), DOT, National Commission for Culture and the Arts (NCCA), TIEZA, City Government of Manila, National Museum of the Philippines, at National Historical Commission of the Philippines.
Ang gusali, na dinisenyo ni Juan Arellano at natapos noong 1926, ay isa sa mga pinakamahusay na halimbawa ng neoclassical architecture sa bansa. Matatagpuan ito sa kahabaan ng Ilog Pasig, at matagal nang kinikilalang sentro ng komunikasyon at pambansang simbolo ng kultura.
Tiniyak ng PHLPost ang transparency ng buong proyekto — mula sa accurate cost estimates hanggang sa public bidding — upang matiyak na wastong magagamit ang pondo. Layunin nilang i-preserba ang cultural legacy ng gusali habang isinasama ito sa makabagong urban development.
Image from Post & Parcel
