Diskurso PH
Translate the website into your language:

P11.6M pabuya, iginawad ng PDEA sa mga impormante kontra droga

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-05-23 11:27:14 P11.6M pabuya, iginawad ng PDEA sa mga impormante kontra droga

Mayo 23, 2025 — Ginawaran ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng kabuuang P11.6 milyon ang walong civilian informants sa ilalim ng Operation: Private Eye (OPE) program, bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag sa malalaking anti-drug operations.

Pinangunahan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez ang seremonya ng paggagawad sa punong tanggapan ng ahensya sa Quezon City. Nanatiling kumpidensyal ang pagkakakilanlan ng mga impormante na tumanggap ng kanilang cash incentives.

“In a literal sense, vigilance pays off. Reliable information in exchange for monetary consideration,” pahayag ni Nerez.

Sa walong ginawaran, apat ang tumanggap ng tig-P2 milyon dahil sa kanilang tulong sa mga malalaking drug bust. Isa sa kanila ang nagbigay ng impormasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng 49,705.20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340 milyon at sa pagkakaaresto ng dalawang suspek sa Barangay Putatan, Muntinlupa City noong Marso 14, 2025.

Ang isa pang impormante ay tumulong sa operasyon kung saan nasabat ang 39,859.60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P272 milyon at naaresto ang isang drug personality sa Binangonan, Rizal noong Marso 19, 2025.

Ang OPE reward committee, na siyang nagsusuri at nagpapatibay ng mga gantimpala, ay binubuo ng mga opisyal ng PDEA at mga kinatawan mula sa sektor ng negosyo, akademya, at simbahan.

Layunin ng programa na hikayatin ang publiko na makilahok sa kampanya kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng pagbibigay ng gantimpala sa mga nagbibigay ng mapagkakatiwalaang impormasyon na humahantong sa matagumpay na operasyon.

Binigyang-diin ni Nerez ang kahalagahan ng partisipasyon ng komunidad sa laban kontra droga.

“Imagine, if more members of the community are vigilant and proactive in combating the drug trade, a vast network of eyes and ears remains at PDEA’s disposal. It is definitely a huge boost for us considering our limited manpower,” aniya.

Tiniyak ng PDEA na ligtas at kumpidensyal ang paghawak sa lahat ng impormasyong ibinibigay ng kanilang mga impormante bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.