P130M danyos, hinihingi ng mga naulila sa SCTEX na aksidente
Margret Dianne Fermin  Ipinost noong 2025-05-23 17:15:43 
            	Mayo 23, 2025 — Nagsampa ng civil cases ang mga pamilya ng mga biktima sa aksidente sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) laban sa Solid North Bus Company, na humihingi ng kabuuang P130 milyon bilang danyos, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Personal na sinamahan ni Transportation Secretary Vince Dizon ang pamilya nina Jonjon at Daina Janica Alinas sa paghahain ng kaso sa Quezon City Hall of Justice.
“P50 milyong danyos ang hinihingi ng pamilya para sa pagkamatay ng mga biktima, pati na para sa loss of income at moral and exemplary damages,” ayon sa pahayag ng DOTr.
Naghain din ng hiwalay na kaso ang ibang pamilya ng mga nasawi sa Antipolo City, kung saan P80 milyon ang kanilang hinihinging danyos.
“Nagsampa rin ng civil case ang mga pamilya ng iba pang mga biktima ng SCTEX road crash sa korte sa Antipolo City, kung saan P80 milyong danyos naman ang hinihingi ng mga pamilya,” dagdag pa ng DOTr.
Nagresulta ang aksidente noong Mayo 1 sa Tarlac City toll plaza sa pagkamatay ng sampung tao, kabilang ang apat na bata, at pagkasugat ng mahigit 37 iba pa.
Ayon sa Tarlac City Police Station, nag-negatibo ang bus driver sa pagsusuri sa ilegal na droga at alkohol.
Noong unang linggo ng Mayo, pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30 araw ang operasyon ng Pangasinan Solid North Transit Inc. dahil sa naturang insidente.
Sa isang pahayag, sinabi ng kumpanya na itinigil nila ang operasyon alinsunod sa kautusan ng DOTr at idinagdag pa na, “some uncontrollable factors get even the best of us,” at ang insidente ay isang “isolated case.”
Tiniyak ng DOTr na itutuloy nila ang mga legal na hakbang upang mapanagot ang mga responsable sa trahedya. Patuloy ang paghahangad ng hustisya ng mga pamilya ng biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.
