Diskurso PH
Translate the website into your language:

Unified 911 system, aarangkada na sa Hulyo 2025 — DILG

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-05-26 16:54:34 Unified 911 system, aarangkada na sa Hulyo 2025 — DILG

MAYNILA, Pilipinas — Inanunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Lunes na magsisimula na ang partial operations ng unified 911 emergency response system sa Hulyo 2025, isang mahalagang hakbang patungo sa sentralisadong serbisyong pang-emergency sa bansa.

Kumpirmado ni DILG Secretary Jonvic Remulla na una itong ilulunsad sa Ilocos Region, Metro Manila, Central Visayas, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“I think July ang Region 1, NCR, Region 7, at BARMM. Tapos every month all the regions,” pahayag ni Remulla.

Layunin ng unified 911 system na palitan ang kasalukuyang 35 na magkakahiwalay na emergency numbers at gawing isang sentralisadong hotline para sa mas mabilis at maayos na tugon mula sa mga pulis, bumbero, at serbisyong medikal.

“In less than one month, i-bid out natin ang unified 911 system para sa buong Pilipinas. Unified na. Ngayon kasi 35 ang emergency call numbers. Gagawin nating centralized na siya,” paliwanag ni Remulla.

Magkakaroon ang system ng geolocation tools, live-streaming capabilities, at mas pinahusay na koordinasyon sa pagitan ng mga emergency responder para sa mas epektibong deployment ng mga pulis, bumbero, at paramedics.

“Ito integrated na ang public safety system ng buong Pilipinas, ang response system,” dagdag pa ni Remulla.

Lalagyan din ng body-worn cameras, radio, at medical support gear ang mga emergency personnel para sa mas ligtas at episyenteng serbisyo sa publiko.