P20 bigas, palalawakin para sa mga minimum wage earner
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-27 20:17:13
MAYNILA, Pilipinas — Nagkasundo na ang Department of Agriculture (DA) at Department of Labor and Employment (DOLE) na isama ang mga minimum wage earners sa programa ng gobyerno na nagbebenta ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo, na orihinal na inilunsad para sa mga vulnerable sector.
Ang inisyatiba, na bahagi ng Kadiwa ng Pangulo (KNP) program, ay unang inilaan para sa mga indigent, senior citizen, persons with disabilities (PWD), at mga solo parent.
Ngunit matapos ang pag-uusap nina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Labor Secretary Bienvenido Laguesma, pinalawak na ang saklaw ng programa upang maisama ang mga minimum wage earners na nagtatrabaho sa mga kumpanyang kalahok sa pilot rollout.
“We had a very good and fruitful discussion in our shared goal of helping our workers, particularly minimum wage earners. By including them in this rice program, we aim to improve their purchasing power,” pahayag ni Laguesma.
Ang subsidized rice, na nagmumula sa National Food Authority (NFA), ay ibinebenta sa mga Kadiwa ng Pangulo centers at stalls. Tinutustusan ito ng gobyerno sa pamamagitan ng Food Terminal Inc., at maaari ring tumulong ang local government units (LGUs) sa pagbibigay ng subsidy at pagtatakda ng kwalipikadong benepisyaryo sa kani-kanilang lugar.
“This initiative stems from the President’s promise to extend the P20 rice program to those who need it most,” ani Tiu Laurel, bilang pagtitiyak ng suporta ng DA sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Inaasahang mas palalawakin pa ang programa:
-
Phase 1: Negros Oriental, Negros Occidental, Samar, Eastern Samar, Northern Samar, Southern Leyte, Leyte, Bohol, Antique, Cebu, Iloilo, Capiz, Biliran, Guimaras, Siquijor, Aklan, at Mindoro
-
Phase 2 (simula Hulyo): Zamboanga del Norte, Basilan, Cotabato City, Tawi-Tawi, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao, Davao Oriental, at Sorsogon
-
Final phase: Sultan Kudarat, Lanao del Norte, Catanduanes, Agusan del Sur, Sarangani, at Dinagat Islands
Layunin ng DA na panatilihin ang programa hanggang katapusan ng termino ni Marcos sa Hunyo 2028, na posibleng makinabang ang 15 milyong kabahayan, o tinatayang 60 milyong Pilipino.
