Diskurso PH
Translate the website into your language:

DA, inirekomendang panatilihin ang 15% taripa sa imported na bigas

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-05-28 17:45:00 DA, inirekomendang panatilihin ang 15% taripa sa imported na bigas

May 28, 2025 — Inirekomenda ng Department of Agriculture (DA) na panatilihin ang 15% taripa sa inaangkat na bigas upang mapanatiling matatag ang presyo at maiwasan ang pagtaas ng inflation sa suplay ng lokal na palay.

Binigyang-diin ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa ang kahalagahan ng pananatili ng taripa:
“Napakaimportante yan sa buong ekonomiya ng ating bansa, at masigurado din natin na maging tuloy-tuloy ang mga programa natin na mas mababang presyo ng bilihin di lamang ng bigas kundi iba pang agricultural commodities.”

Ayon sa DA, umaabot sa 25% ng kabuuang konsumo ng bigas sa bansa ang inaangkat, kaya’t kritikal ang anumang pagbabago sa taripa upang mapanatili ang katatagan ng presyo.

Paliwanag ni De Mesa, “Kung mapapanatili natin na mababa ang taripa at 15%, mas masisigurado natin na yung pangkalahatang presyo ng bigas ay mas magiging matatag at hindi makakaapekto sa price spikes kung magkakaroon man.”

Sinang-ayunan ito ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na nagsabing hindi tamang panahon ang taas-taripa, lalo na’t tapos na ang panahon ng anihan sa Pilipinas at sa mga bansang nag-e-export ng bigas.
“I will not increase it for now because our harvest season and that of exporting countries have already ended,” aniya.

Naunang iniulat ng National Economic and Development Authority (NEDA) na hindi gaanong bumaba ang presyo ng imported rice kahit pinutol ang taripa, dahilan kung bakit nananawagan ang ilang grupo ng magsasaka na ibalik ito sa dating antas.

Sa kabila ng mga hinaing, naninindigan ang DA na ang pananatili ng 15% taripa ay makatutulong upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo at mapanatili ang abot-kayang halaga para sa mga mamimili.

Nakatakdang suriin muli ng DA ang polisiyang ito sa Hulyo, kasabay ng paggunita sa isang taon mula nang ibaba ang taripa mula 35% patungong 15% sa ilalim ng Executive Order 62 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Patuloy na minomonitor ng DA ang galaw ng presyo ng bigas at ang epekto ng taripa sa mga mamimili at lokal na magsasaka.