Diskurso PH
Translate the website into your language:

Hiling ni Duterte na tanggalin ang mga ICC judge, binasura ng prosekusyon

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-05-28 11:53:16 Hiling ni Duterte na tanggalin ang mga ICC judge, binasura ng prosekusyon

Mayo 28, 2025 — Tinanggihan ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang dalawang hukom na humahawak ng usapin sa hurisdiksyon ng kanyang kaso.

Sa isinumiteng dokumento noong Mayo 22, iginiit ni ICC Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang na dapat ibasura ang kahilingan laban kina Pre-Trial Chamber I Judges Reine Adelaide Alapini-Gansou at Maria del Socorro Flores Liera, dahil ang mga hukom ay mayroong “presumption of impartiality” at karaniwang humahawak ng katulad na mga isyu bilang bahagi ng kanilang tungkulin.

“The defense should be rejected because it fails to call into question the presumption of impartiality attached to the judges,” pahayag ni Niang sa walong pahinang dokumento.

Dagdag pa niya, “Contrary to the defense’s position, the judges have not ‘already predetermined’ the outcome of the jurisdictional dispute in [the prosecution’s] favor.”

Ayon sa abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman, nawalan na ng pagiging patas ang dalawang hukom dahil sa mga nauna na nilang desisyon noong 2021, nang pahintulutan nila ang pagsisiyasat ng ICC sa kontrobersyal na war on drugs, at muli noong 2023, nang payagan nilang ipagpatuloy ang imbestigasyon.

Binigyang-diin ng depensa na maaaring naaapektuhan na ang kakayahan ng mga hukom na magdesisyon ng patas sa kasalukuyang hamon sa hurisdiksyon.

Ngunit tinutulan ito ng prosekusyon at sinabing paunang desisyon lamang ang mga iyon at hindi indikasyon ng bias.

Ayon pa sa kanilang pahayag: “Presuming that judges ‘become conflicted’ at a certain stage of the proceedings after having issued rulings is legally untenable.” Idinagdag din nilang kung tatanggapin ang ganitong argumento, kailangang paulit-ulit na palitan ang mga hukom, na maaaring makaparalisa sa operasyon ng korte.

Nasa kustodiya pa rin si Duterte sa pasilidad ng ICC sa The Hague, Netherlands, mula nang siya’y inaresto noong Marso 11 sa Maynila. Nahaharap siya sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang anti-drug campaign.

Nakatakda ang confirmation of charges hearing sa Setyembre, habang inaasahang maglalabas ng desisyon ang pamunuan ng ICC sa mga darating na linggo ukol sa mosyon ng depensa. Gayunman, ayon sa ilang legal expert, malabong matanggal ang mga hukom dahil sa matibay na pagtutol ng prosekusyon.