Tiklop! Rider na nagtape ng plaka para iwas huli, sinuspinde ng LTO
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-31 10:38:00
Mayo 30, 2025 — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang motorcycle rider na sinadyang takpan ang plaka ng kanyang motorsiklo gamit ang packaging tape upang makalusot sa No-Contact Apprehension Policy (NCAP).
Kinumpirma ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II ang 90-araw na preventive suspension at binigyang-diin niyang, “Maliwanag na isa itong pambabastos sa batas. Gaya ng sinabi ng ating DOTr Secretary Vince Dizon, hindi na papayag ang pamahalaan sa mga motoristang katulad nito.”
Nadiskubre ang paglabag matapos mag-viral sa Facebook ang larawan ng motorsiklo na natakpan ang huling tatlong letra ng plaka, may caption na, “NCAP? No problem, magaya nga,” na agad napansin ng social media monitoring team ng LTO.
Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang sinumang mahuling gumagalaw o nagtataas-baba ng plaka ay pagmumultahin ng ₱5,000.
Naglabas din ang LTO ng Show Cause Order (SCO) at inaatasan ang rehistradong may-ari ng motorsiklo na humarap sa Central Office at magsumite ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng mas mabigat na parusa.
Iniimbestigahan din kung ang rehistradong may-ari mismo ang nagmamaneho ng motorsiklo sa oras ng paglabag. Kapag napatunayang nagkasala, maaari siyang patawan ng parusa bilang isang “improper person to operate a motor vehicle,” na may maximum penalty na revocation ng lisensya.
Ang NCAP, na muling ipinatupad sa Metro Manila, ay gumagamit ng automated surveillance cameras para hulihin ang traffic violators at kasalukuyang nasa one-month dry run kung saan nakakatanggap ng notice ang mga lumalabag ngunit wala pang multa.
Patuloy na binabantayan ng LTO ang mga kahalintulad na paglabag at mariing nagbabala laban sa mga motoristang nagtatangkang umiwas sa batas-trapiko.
