Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tapos na ang laban! Fort Bonifacio, opisyal nang bahagi ng Taguig

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-06-02 11:37:23 Tapos na ang laban! Fort Bonifacio, opisyal nang bahagi ng Taguig

MAYNILA, Pilipinas — Ipinasya ng Court of Appeals (CA) na ang Fort Bonifacio ay opisyal nang bahagi ng Taguig City, tuluyang winakasan ang matagal nang pag-aangkin ng Makati City sa lugar.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Jaime Fortunato Caringal, ibinasura ng Third Division ng CA ang petisyon ng Makati para sa certiorari, na nagsara sa halos tatlong dekadang sigalot sa pagitan ng dalawang lungsod.

Pinagtibay ng korte ang 2021 ruling ng Supreme Court na naglalagay sa Fort Bonifacio at sampung karatig-barangay sa ilalim ng hurisdiksiyon ng Taguig. Nilinaw ng CA na ang utos ng Korte Suprema ay “clear, self-executing directives,” kaya’t hindi na kailangan ng anumang dagdag na aksyon mula sa mga mababang hukuman, at binigyang-diin nilang, “The permanent injunction against Makati took immediate effect upon the Supreme Court's final judgment.”

Iginiit ng Makati na kailangan ng writ of execution upang maipatupad nang maayos ang desisyon, pero mariing tinanggihan ito ng CA, na nagsabing pinal at direktang ipinatutupad ang hatol ng Korte Suprema.

Sa paglilipat ng Fort Bonifacio sa Taguig, ang koleksyon ng buwis, pag-iisyu ng business permits, at pamamahala sa mga pampublikong paaralan ay mapupunta na sa ilalim ng pamahalaang lungsod ng Taguig. Ayon pa sa desisyon, ang mga pampublikong paaralan sa nasabing lugar ay susunod na sa educational framework ng Taguig, habang ang lokal na pulisya ng Taguig ang mamamahala sa seguridad.

Tinanggihan din ng korte ang argumento ng Makati hinggil sa umano’y hindi malinaw na hangganan, binanggit ang mga opisyal na mapa na matagal nang kinikilala ang mga limitasyon ng Enlisted Men’s Barrios (EMBO).

Sa desisyong ito, pormal nang naangkin ng Taguig City ang kontrol sa Bonifacio Global City (BGC) at mga kalapit na lugar — isang makasaysayang pagtatapos sa halos tatlumpung taon ng legal na labanan.