DepEd binawi ang ‘bare walls,’ balik na ang visual aids sa mga silid-aralan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-10 12:00:48
MAYNILA — Pinayagan na muli ng Department of Education (DepEd) ang paggamit ng visual aids, educational posters, at larawan ng mga pambansang bayani sa mga silid-aralan, binabawi ang dating patakarang nag-utos ng “bare walls” sa mga pampublikong paaralan.
Kinumpirma ni Education Secretary Sonny Angara ang pagbabagong ito sa isang panayam sa radyo, kung saan sinabi niyang hindi na ipatutupad nang mahigpit ang DepEd Order No. 21 na inilabas noong panahon ni dating DepEd Secretary at Bise Presidente Sara Duterte.
Sa ilalim ng naunang kautusan, ipinagbawal ang paglalagay ng kahit anong visual materials sa dingding, kabilang ang mga larawan ng mga bayani at pangulo ng bansa, dahil umano sa pagiging “distraction” ng mga ito.
“Hindi naman kami strikto diyan ngayon. Kung ‘yun ang gusto nung mga learners at ng mga teachers, pwede naman silang magkabit,” pahayag ni Angara sa DZMM, at iginiit na mahalaga ang mga visual aid bilang kasangkapan para sa kreatibidad at pagkatuto.
Matagal nang tinututulan ng ilang teachers’ groups ang patakaran ng “bare walls,” dahil ayon sa kanila, mahalaga ang mga visual aid sa pagpapalalim ng aralin at pagpukaw ng interes ng mga mag-aaral.
Kinuwestiyon din ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang siyentipikong basehan ng pagbabawal, at binanggit na wala namang malinaw na pag-aaral na nagpapatunay na nakakasagabal sa konsentrasyon ng mga estudyante ang mga materyales na ito.
Bukod sa nasabing pagbabago, inanunsyo rin ni Angara na magbubukas ang DepEd ng 20,000 bagong teaching positions para sa School Year 2025–2026 upang paliitin ang laki ng klase at mapahusay ang kalidad ng edukasyon sa buong bansa.
Kasabay nito, puspusan na ang paghahanda ng ahensya para sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 16 sa pamamagitan ng Brigada Eskwela, kung saan pinakikilos ang mga boluntaryo para linisin at ayusin ang mga silid-aralan.
