Duterte nais lumipat sa ibang bansa habang nililitis
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-13 11:43:55
MANILA — Humiling si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng pansamantalang paglaya mula sa International Criminal Court (ICC) at inihain ang kahilingan na manirahan muna sa isang hindi pinangalanang bansa habang hinihintay ang kanyang paglilitis.
Sa 16-pahinang mosyon na may petsang Hunyo 12, ipinaalam ng kanyang abogado na si British-Israeli counsel Nicholas Kaufman sa Pre-Trial Chamber I ng ICC na may isang gobyerno—na hindi binanggit sa pampublikong bersyon ng dokumento—ang nagpahayag ng “advance and principled agreement” na tanggapin si Duterte at ipatupad ang anumang kondisyon na itatakda ng korte.
“Mr. Rodrigo Roa Duterte respectfully requests, in accordance with Article 60 of the Rome Statute, interim release to [REDACTED],” nakasaad sa mosyon. Iginiit ni Kaufman na si Duterte ay “does not pose an objective risk of flight, nor is his arrest necessary to ensure the integrity of the investigations or to preclude the continued commission of crimes.”
Binanggit din ng depensa na hindi tumutol ang ICC Prosecution sa kahilingan, basta’t masunod ang mga itatakdang kondisyon. “The Prosecution has confirmed its non-opposition to interim release to [REDACTED] State Party,” ayon pa kay Kaufman, at idinagdag na “this reflects an acknowledgment of the minimal risks under Article 58(1)(b)” ng Rome Statute.
Nakakulong si Duterte sa ICC Detention Center sa The Hague mula Marso 13, matapos siyang arestuhin sa Maynila noong Marso 11. Hinaharap niya ang mga kasong crimes against humanity dahil sa libu-libong napatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga.
Iginiit ng depensa na hindi na kailangan ang patuloy na pagkakakulong ni Duterte, lalo na’t nasa maagang yugto pa lamang ang kaso at limitado ang kanyang akses sa sensitibong impormasyon. Binanggit din ni Kaufman ang nakitang pagod ni Duterte sa kanyang unang court appearance noong Marso 14 bilang dagdag na dahilan para sa pansamantalang paglaya.
Handa umanong sundin ng hindi pinangalanang bansa ang anumang kundisyon mula sa ICC at agad tumugon sa mga utos ng korte. Sumang-ayon din si Duterte na hindi makikilahok sa publiko, hindi gagamit ng electronic devices, at lilimitahan ang komunikasyon sa kanyang pamilya lamang.
