Diskurso PH
Translate the website into your language:

Isa pang biktima sa tumaob na bangka sa Palawan, natagpuan

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-06-14 12:45:11 Isa pang biktima sa tumaob na bangka sa Palawan, natagpuan

PUERTO PRINCESA CITY — Nakumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes na narekober na ang bangkay ng nawawalang pasahero ng bangkang patungong Malaysia na tumaob sa karagatang sakop ng Balabac, Palawan.

Kinilala ni Ensign Mark Joseph Bajao, acting station commander ng Coast Guard Station South Western Balabac, ang biktima bilang si Mary Anne Besco, 29 taong gulang. “A resident of Barangay Bancalaan reported to us that he saw a lifeless body along the shorelines of Sitio Centro of the barangay,” ani Bajao sa isang panayam. Natagpuan ang katawan bandang 6:35 a.m., humigit-kumulang 7 kilometro mula sa pinangyarihan ng insidente noong Hunyo 8.

Si Besco ay kabilang sa 11 sakay ng isang kumpit o motorbangkang hindi rehistrado na umalis ng Balabac noong gabi ng Hunyo 7. Ayon sa ulat, nawalan ng makina ang bangka bandang 3:30 a.m. at tumaob dahil sa malalakas na alon. Siyam na pasahero, kabilang ang dalawang crew, ang nailigtas, habang isa pa ang natagpuang patay ilang oras matapos ang insidente.

Pinaghihinalaan ng mga awtoridad na tinangkang marating ng grupo ang Malaysia sa ilegal na paraan, na nagbubunsod ng pangamba sa posibleng kaso ng human trafficking. Ayon kay Palawan Provincial Board Member Marivic Roxas, “I strongly believe that this incident suggests that the passengers may be victims of individuals or groups who are taking advantage of their situation.”

Ipinagpatuloy na ng PCG ang regular na byahe-dagat sa lugar dahil sa pagbuti ng lagay ng panahon. Gayunman, nananawagan si Roxas sa pambansang pamahalaan na paigtingin ang maritime surveillance sa Balabac—isang kilalang transit point ng ilegal na aktibidad dahil sa lapit nito sa Sabah, Malaysia na nasa layong 123 kilometro lamang.

“This is not only a tragedy, but it also reflects a deeper concern and problem the country is facing,” pahayag ni Roxas sa ginanap na sesyon ng Provincial Board. Patuloy pa rin ang imbestigasyon.