Lolobo na naman ang pamasahe? Dagdag-piso sa jeepney, posibleng umarangkada
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-06-18 09:43:58
HUNYO 18, 2025 — Maaaring magbayad na ng dagdag na piso ang mga pasahero sa jeepney dahil pinag-aaralan na ng LTFRB ang pansamantalang pagtaas ng pamasahe. Dulot ito ng patuloy na pagmahal ng krudo bunga ng kaguluhan sa Middle East.
Kinumpirma ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang posibleng pagtaas, na isinisi sa sunod-sunod na pag-angat ng presyo ng langis.
"One peso across the board, pero that’s all (Isang pisong dagdag sa lahat, yun lang). Wala ‘yung per kilometer na increase. Flat rate muna. Masyado nang mabigat sa mga consumers," pahayag ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III.
Magkakabisa ang dagdag-piso kung mananatiling lampas sa $80 per barrel ang presyo ng Dubai crude.
Posible ring magtaas ng pamasahe ang mga provincial bus, pero hindi pa final ang detalye.
"Posible hong itaas namin but on a graduated rate for first 10 kilometers then subsequently, mayroon kaming ilalagay na price for a subsequent kilometer," dagdag ni Guadiz.
Samantala, binawi na ng mga bus operator sa Metro Manila ang kanilang petisyon sa takot na mawalan sila ng pasahero dahil sa tren at ride-hailing apps.
Iginiit ng Department of Energy (DOE) na ang krisis ay epekto ng hidwaan sa pagitan ng Israel at Iran, kung saan tumaas ng $6-$7 per barrel ang presyo ng krudo noong nakaraang linggo.
"To date, speculative ho ang mga increases na ito," sabi ni Rino Abad ng DOE.
Umaasa ang mga opisyal na bababa ulit ang presyo, pero nagbabala sila na puwedeng mas lalong tumaas.
Inatasan na ng Malacañang ang mga ahensya na bantayan ang presyo ng langis, habang hinimok ng DOE ang mga kumpanya na unti-unting magtaas. Nakahanda rin ang P2.5-bilyong fuel subsidy para sa mga tsuper kung lalampas sa threshold ang presyo.
Nanawagan din si DOE officer-in-charge Sharon Garin sa mga oil company na unti-unting magpatupad ng pagtaas, lalo na para sa mga pampublikong sasakyan. Aniya, kahit maliit na dagdag, malaki ang epekto nito sa mga drayber at pasahero.
(Larawan: Philippine News Agency)
