Pekeng resibo ng bank transaction gamit ang AI, bagong modus ayon sa viral post
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-18 13:01:59
Hunyo 18, 2025 — Umani ng atensyon ang isang Facebook post mula sa netizen na si Pen De Leon matapos niyang ibahagi ang kanyang karanasan ukol sa paggamit ng artificial intelligence (AI) sa paggawa ng pekeng bank transaction receipts.
Ayon kay De Leon, isang kaklase niya ang nagpadala ng screenshot ng limang umano’y bayad, ngunit wala ni isa man sa mga ito ang pumasok sa kanyang account. “Mag-ingat kayo, always check if pumasok ba sa account niyo yung transaction,” babala niya sa publiko.
Inamin niyang hindi niya agad na-verify ang mga transaksyon dahil inakala niyang totoo ang mga screenshot. Nang bumalik siya mula sa ibang bansa at nagsagawa ng audit, natuklasan niyang wala talagang pumasok na pera. “Mali ko is di ko nacheck right away,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ni De Leon na ilan sa kanilang kaklase ay nakaranas ng katulad na panloloko. Pinaghihinalaan niyang ginamit ang AI tools gaya ng ChatGPT sa paggawa ng mga pekeng resibo. “Come on! I found out that AI, ChatGPT can be used for fraud and bad faith!” aniya.
Naganap ito kasabay ng pagtaas ng mga digital scam sa Pilipinas. Batay sa pinakahuling datos, 13.4% ng digital transactions sa bansa ay na-flag bilang posibleng fraud—mahigit doble sa global average. Ayon pa sa isang pag-aaral noong 2024, 74% ng mga Pilipino ay naging target ng online fraud, at 34% ang aktwal na nawalan ng pera.
Bilang tugon, ipinasa ng pamahalaan ang Anti-Financial Account Scamming Act noong 2024, na nag-uutos ng mas mahigpit na fraud detection sa lahat ng financial platforms.
Ang karanasan ni De Leon ay paalala sa publiko na laging i-verify ang mga bank transaction gamit ang opisyal na channels, at huwag basta magtiwala sa screenshots lamang—lalo na sa panahon ngayon na mas pino at mas mapanlinlang na ang mga modus gamit ang teknolohiya.
