Driver na tinakpan ang plaka para umiwas sa NCAP, kakasuhan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-03 08:32:28
Hulyo 3, 2025 — Naglagay ng alarm status ang Land Transportation Office (LTO) sa isang Toyota Vios matapos itong makuhanan ng video habang nakatakip ang plaka nito, na tila pag-iwas sa No-Contact Apprehension Policy (NCAP).
Agad na kumilos ang mga awtoridad matapos mag-viral sa social media ang insidente. Kinumpirma ni LTO Chief Vigor Mendoza II na nagpadala na sila ng show-cause order sa rehistradong may-ari ng sasakyan, isang pharmaceutical company sa Parañaque City.
Nakuhanan ang driver na bumabaybay sa Taft Avenue na may takip ang plaka—isang labag sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code.
“Sisiguraduhin naming mananagot sa batas ang mga pasaway na ito,” ani Mendoza.
Ang aksyon ng LTO ay bahagi ng mas malawak na crackdown sa mga kasali sa ‘Takip Plaka’ scheme, kung saan sinasadyang tinatakpan o binabago ang plaka ng sasakyan upang makaiwas sa NCAP cameras.
Ayon sa MMDA at LTO, nasa mahigit 50 motorista—karamihan ay gumagamit ng motorsiklo—ang posibleng kasuhan dahil sa ganitong paglabag.
Binigyang-diin ni LTO Executive Director Greg Pua Jr. na wala ni isa mang exempted sa batas. Magpapalabas umano ang ahensya ng mga show-cause orders at kaukulang parusa. Nakikipagtulungan din ang LTO sa Anti-Cybercrime Group upang matunton ang mga taong nagpo-promote ng ganitong gawain online.
Babala ng mga awtoridad: Ang pagtatakip o pamemeke ng plaka ay hindi lang simpleng traffic violation—ito ay banta sa kaligtasan ng publiko at sa tiwala sa automated enforcement system. Hinihikayat ang publiko na isumbong ang mga ganitong insidente.
