DOJ sisimulan na ang paghahanap ng labi ng sabungero sa Taal Lake
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-08 09:16:57
MANILA — Maglulunsad ngayong linggo ang Department of Justice (DOJ) ng search operation sa Taal Lake upang hanapin ang mga labi ng mga nawawalang sabungero na umano’y dinukot at pinatay sa pagitan ng 2021 at 2022.
Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Lunes na nagsasagawa na ng mapping sa lawa upang matukoy ang pinakamabisang paraan para sa operasyon. “We’re asking them to start this week,” ani Remulla. “We want to map it out and look at the condition so we can plan how to go about it.”
Magsisimula ang operasyon sa isang palaisdaan sa Taal Lake na inuupahan umano ng isa sa mga suspek. “Merong fishpond lease ang isang suspect na ano natin, tinutukoy natin. Bali ‘yun ang ating ano... ground zero natin,” dagdag niya.
Ang hakbang ay kasunod ng pahayag ni whistleblower Julie “Dondon” Patidongan, kilala rin bilang “Totoy,” na sinabing pinatay ang mga biktima sa parehong araw ng kanilang pagdukot at tinapon sa lawa habang nakatali sa mga sako ng buhangin. Idinawit niya si negosyanteng Atong Ang at aktres na si Gretchen Barretto, ngunit parehong itinanggi ng dalawa ang kanilang pagkakasangkot. Naghain pa si Ang ng kasong kriminal laban kay Patidongan dahil sa grave threats, coercion, at iba pa.
Ayon kay Remulla, humingi na sila ng tulong mula sa pamahalaan ng Japan para sa seabed mapping at underwater recovery. “I just signed a letter for the Japanese government asking for assistance para magkaroon tayo ng seabed mapping at iba pang capabilities ng technology na kailangan natin,” aniya. Inalok rin ng Department of Science and Technology at National Bureau of Investigation ang kanilang kagamitan at kaalaman.
Isinasaalang-alang din ng DOJ ang pagkuha ng technical divers mula sa Philippine Coast Guard at Navy dahil sa lalim at labo ng tubig sa lawa. “We will need tactical divers to do it kasi malalim din ‘yan. And it’s not easy to go into a lake bed to look for human remains,” ani Remulla.
Samantala, tinatalakay na rin ang posibilidad na mapasailalim si Patidongan sa Witness Protection Program. “We were discussing (his processing as state witness) this morning with the Prosecutor General but we haven’t concluded anything yet,” dagdag ni Remulla.
Patuloy ding iniimbestigahan ng Philippine National Police ang iba pang posibleng pinagtapunan ng mga katawan, batay sa impormasyong ibinibigay ng iba pang testigo. Labinlimang pulis—aktibo at retirado—ang kasalukuyang nasa ilalim ng restrictive custody sa Camp Crame kaugnay ng kaso.
Patuloy namang umaapela ang mga pamilya ng mga biktima para sa hustisya. “Humihingi ako ng tulong para makita na lang kahit buto na lang ang aking anak para maiuwi ko sa amin,” pahayag ni Francisca Ramos, ina ng isa sa mga nawawalang sabungero.
