Dalawang suntok sa bulsa: Langis at kuryente, parehong magtataas ng singil
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-12 14:47:01
MANILA — Dapat nang maghanda ang mga motorista at kabahayan sa pagtaas ng gastusin dahil sa inaasahang pagmahal ng presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, habang tumaas na rin ang singil sa kuryente ngayong Hulyo, ayon sa mga opisyal ng industriya nitong Biyernes.
Ayon kay Jetti Petroleum president Leo Bellas, tataas ang presyo ng diesel mula ₱1.30 hanggang ₱1.50 kada litro, habang ang gasolina ay posibleng tumaas ng ₱0.60 hanggang ₱0.80 kada litro. Binigyang-diin ni Bellas na ang pagtaas ay dulot ng mas malakas na pandaigdigang demand at muling pag-igting ng tensyong geopolitical. Itinuro rin niya ang pagtaas ng Mean of Platts Singapore (MOPS) benchmark at pabago-bagong halaga ng palitan bilang pangunahing salik.
Paliwanag ni Bellas, tumaas ang presyo ng krudo at mga produktong refined fuel ngayong linggo dahil sa malakas na demand na mas mataas pa kaysa sa epekto ng karagdagang supply mula sa desisyong ng OPEC+ na bawasan pa ang production cuts pagsapit ng Agosto. Dagdag pa rito, nakaapekto rin ang mga pag-atake ng Houthi sa shipping lanes sa Red Sea at ang inaasahang pagbawas sa produksyon ng langis sa Estados Unidos.
Samantala, inanunsyo ng Manila Electric Co. (Meralco) na tumaas ng ₱0.4883 kada kilowatt-hour (kWh) ang singil sa kuryente ngayong Hulyo, matapos ang dalawang buwang sunod-sunod na rollback. Mula sa ₱12.1552 kada kWh noong Hunyo, naging ₱12.6435 na ito. Para sa karaniwang household na kumokonsumo ng 200 kWh, may dagdag na humigit-kumulang ₱98 sa buwanang bayarin.
Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, ang pagtaas ay resulta ng ₱0.3407 kada kWh pag-akyat sa generation charges dahil sa mas mahal na fuel at paghina ng piso, na bumagsak sa pinakamahinang antas mula Marso 2025. Tumaas din ang singil mula sa Power Supply Agreements (PSAs) ng ₱0.4476 kada kWh at mula sa Independent Power Producers (IPPs) ng ₱0.4992 kada kWh, karamihan ay denominated sa dolyar.
Bahagyang nabawasan naman ang dagdag-singil dahil sa ₱0.1703 kada kWh na pagbaba mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), bunsod ng pagbaba ng average demand sa Luzon ng mahigit 770 megawatts, kahit may 490 MW na pagtaas sa plant outages.
May dagdag ding ₱0.0734 kada kWh sa transmission charges at ₱0.0742 kada kWh sa iba pang charges gaya ng buwis. Nilinaw ng Meralco na hindi nagbago ang kanilang distribution charge.
Pinapayuhan ang mga consumer na bantayan ang mga advisory mula sa mga fuel company at Meralco para sa opisyal na adjustments, na karaniwang nagkakabisa tuwing Martes.
