Takot sa isda mula Taal, kumalat: Mga tindera, mangingisda umaaray
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-14 08:58:56
Hulyo 14, 2025 — Biglang bumaba ang demand para sa isdang huli mula sa Lawa ng Taal matapos lumabas ang ulat na doon umano itinapon ang mga bangkay ng nawawalang sabungero. Ayon sa mga tindera at mangingisda sa Batangas, ramdam nila ang malaking pagbagsak ng benta, lalo na ng tawilis, ang freshwater sardine na tanging sa Lawa ng Taal matatagpuan.
Ayon sa isang tindera, kung dati ay madaling nauubos ang kanilang paninda bago pa man magtanghali, ngayon ay inaabot na ng maghapon at hindi pa rin ubos. Nag-aalangan umano ang mga mamimili dahil sa takot na baka may laman o naapektuhan ng labi ng tao ang mga isda, kahit may paglilinaw mula sa mga awtoridad.
Nilinaw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas pa ring kainin ang mga isda mula sa Lawa ng Taal. Paliwanag ng BFAR Chief Information Officer Nazzer Briguera, hindi kasama sa kinakain ng tawilis ang karne o laman ng tao, kundi mga plankton at halamang-dagat.
Gayunpaman, matindi ang epekto sa kabuhayan ng mga mangingisda. Ayon kay Pamalakaya National Chairperson Fernando Hicap, bumagsak mula ₱250 hanggang ₱100 kada kilo ang presyo ng tawilis — pinakamababa sa kasaysayan. Binigyang-diin ng grupo na nalalagay sa peligro ang kabuhayan ng mga mangingisda, kaya nanawagan sila sa Department of Agriculture at BFAR na mamagitan: bilhin ang mga huli ng direkta mula sa mga mangingisda at maglunsad ng kampanya upang ibalik ang tiwala ng mga mamimili.
Nag-ugat ang kontrobersiya sa pahayag ng whistleblower na si “Totoy,” na nagsabing mahigit 100 sabungero ang pinaslang at itinapon ang mga bangkay sa Lawa ng Taal. Inihahanda na ng Philippine Coast Guard at Navy ang retrieval operation sa malalim na bahagi ng lawa habang naghihintay ng utos mula sa Department of Justice.
