Ping Lacson: Anak walang obligasyong suportahan ang abusadong magulang
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-17 10:22:11
MANILA, Philippines — Nilinaw ni Senador Panfilo “Ping” Lacson nitong Miyerkules na hindi obligado ang mga anak na suportahan ang kanilang mga magulang na nang-abuso, nag-abandona, o nagpabaya sa kanila, ayon sa panukalang Parents Welfare Act of 2025, bilang tugon sa mga kritisismo laban sa nasabing panukala.
Binigyang-diin ni Lacson na kabilang sa Senate Bill 396 ang probisyong nagpapahintulot sa korte na ibasura ang petisyon o bawasan ang obligasyon ng suporta kung mapapatunayang may nagawang pang-aabuso, pag-abandona, o kapabayaan ang magulang sa anak. Tinukoy niyang malinaw sa Section 16 ng panukala ang exemption para sa ganitong mga kaso.
Layunin ng panukalang batas na palakasin ang filial responsibility sa pamamagitan ng pag-obliga sa mga anak na suportahan ang matatanda, may sakit, o permanenteng may kapansanan nilang mga magulang, ngunit sa makatarungan at makataong kondisyon lamang. Kabilang din sa panukala ang pagtatayo ng Old Age Homes sa bawat lalawigan at highly urbanized city para sa mga matatandang walang sumusuportang pamilya.
Nilinaw ni Lacson na hindi absolute ang obligasyong ipinapataw sa mga anak. Walang pananagutan ang anak na tumulong sa magulang kung napatunayan ang pag-abuso, pag-abandona, o kapabayaan mula sa magulang.
Ibinigay ni Lacson ang paglilinaw kasabay ng umiinit na diskusyon ukol sa posibleng epekto ng panukala sa mga anak na nakaranas ng pagmamalupit. Iginiit niya na layunin ng batas na protektahan ang mga matatanda ngunit kailangang gabayan ng katarungan at malasakit ang pagpapatupad nito.
Kinilala rin ng panukala na hindi obligadong magbigay ng suporta ang mga anak na walang kakayahang pinansyal, bilang bahagi ng balanseng pagtingin sa kapakanan ng pamilya.
