La Mesa at Wawa Dam malapit nang umapaw; evacuation sinimulan sa QC
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-21 15:37:09
MANILA, Philippines — Binabantayan ngayon ng mga awtoridad ang La Mesa Dam sa Quezon City at Wawa Dam sa Rizal matapos lumapit ang mga ito sa kanilang critical water level dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), umabot na sa 79.69 metro ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam noong alas-8 ng umaga nitong Lunes, halos 0.46 metro na lang bago ito umapaw sa spilling level na 80.15 metro. Kapag umapaw ang dam, ang sobrang tubig ay dadaloy sa Tullahan River, na posibleng magdulot ng pagbaha sa mga mabababang lugar sa Quezon City, Valenzuela, at Malabon.
Naglabas ng hydrological advisory ang PAGASA, na nagbabala sa mga nakatira malapit sa ilog na mag-ingat sa posibleng pagbaha. Ayon sa ahensya, “Localized flooding is possible mainly in areas that are urbanized, low-lying or near rivers.”
Samantala, ang Wawa Dam sa Rizal ay malapit na rin sa overflow level. Iniulat ni Pasig City Mayor Vico Sotto na umabot na sa 134.06 meters above sea level (masl) ang tubig sa dam sa alas-12 ng tanghali, halos isang metro na lang bago ang critical level na 135 masl. “If this spills, the water level in the Marikina River will be raised,” babala ni Sotto, at sinabi niyang nakikipag-ugnayan na ang mga LGU sa Brgy. Santolan, Sta. Lucia, at floodway areas.
Nakataas na rin ang first alarm sa Marikina River, na nasa 15.9 metro noong 1:30 p.m.. Ang second alarm ay itataas kapag umabot sa 16 metro, at ang third alarm, na hudyat ng sapilitang paglikas, ay itataas sa 18 metro.
Nakaposisyon na ang mga emergency team sa mga flood-prone barangay, at nagsimula na ang preemptive evacuation sa ilang bahagi ng Quezon City, kabilang ang Commonwealth, Sta. Lucia, Fairview, at Novaliches Proper.
Pinapayuhan ang mga residente na sumunod sa mga abiso ng kanilang local disaster risk reduction offices at maghanda sa posibleng paglikas habang nagpapatuloy ang ulan. Ayon sa PAGASA, maaaring umabot sa 50 hanggang 200 millimeters ng ulan sa mga apektadong lugar hanggang Martes ng tanghali.
