Panukala ni Robin Padilla: 10 anyos, ikulong at panagutin sa mabigat na krimen
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-21 09:57:34
MANILA, Philippines — Isinumite ni Senator Robinhood Padilla ang isang kontrobersyal na panukalang batas na naglalayong ibaba sa 10 taong gulang ang minimum age of criminal responsibility, partikular para sa mga menor de edad na sangkot sa mga karumal-dumal na krimen, ayon sa dokumentong inilabas ng Senado noong Hulyo 18.
Layunin ng panukala na amyendahan ang Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, na sa kasalukuyan ay hindi nagpaparusa sa mga batang wala pang 15 taong gulang. Ayon kay Padilla, “unresponsive” at “remiss” ang batas sa pagharap sa malulubhang krimeng kinasasangkutan ng mga kabataang may kaugnayan sa karahasan at droga.
Sa ilalim ng panukala, ang mga batang may edad 10 hanggang 17 na sangkot sa karumal-dumal na krimen — kabilang ang parricide, murder, infanticide, kidnapping, illegal detention na may kasamang pagkamatay o rape, robbery with homicide or rape, destructive arson, carnapping na may kasamang pagkamatay o sexual assault, at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act — ay hindi na sakop ng exemption sa pananagutang kriminal.
Ang mga menor de edad na sasampahan ng kaso ay ilalagak muna sa Bahay Pag-asa, isang child-caring facility na bukas 24/7, habang hinihintay ang proseso sa korte. Samantala, para sa mga non-heinous crimes, ang mga batang wala pang 15 taong gulang ay patuloy pa ring idadaan sa community-based intervention programs na pinangungunahan ng mga lokal na social welfare officer.
Iginiit ni Padilla na ang panukala ay hindi para magparusa kundi para sa restorative justice, subalit mahalaga aniyang manatiling matatag ang sistema ng hustisya. “We must guarantee the integrity of our justice system remains and that we do not condone a more precarious state of abuse towards our children,” ayon sa kanyang paliwanag sa panukala.
Mariin namang tinutulan ng mga child rights advocate at mambabatas ang panukala. Ayon kay Rep. Leila de Lima ng Mamamayang Liberal Partylist, “an abdication, not justice” ang panukala, dahil dapat i-rehabilitate, hindi ikulong ang mga bata. “We do not fix a broken justice system by putting its weight on the smallest, weakest shoulders,” ani de Lima noong Hulyo 19.
Kinuwestiyon din niya ang kakayahan ng gobyerno na ipatupad nang maayos ang panukala, binanggit ang kakulangan sa Bahay Pag-asa centers at mga tauhang may sapat na pagsasanay. “How many of our LGUs have proper Bahay Pag-asa? How many have enough social workers, psychologists, and trained personnel to offer real intervention and reintegration?” tanong pa niya.
Sa ngayon, nasa komite pa ang panukala at inaasahang haharap sa mainit na debate sa Senado at Kongreso. Inaasahan ding magsasagawa ng mga public consultation at expert testimony sa mga susunod na linggo.
