Walang Pasok sa Manila Dahil sa Patuloy na Malakas na Ulan
Bryan Hafalla Ipinost noong 2025-07-21 19:23:16
MAYNILA (Hulyo 21, 2025) Inanunsyo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang suspensyon ng mga face-to-face classes sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan bukas, Martes, Hulyo 22, 2025.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Manila City Government, ang desisyon ay batay sa rekomendasyon ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO), dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan na dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
"Lahat ng paaralan ay inaatasang lumipat muna sa online classes o ADM (Alternative Delivery Mode) habang hindi pa bumubuti ang lagay ng panahon," ayon sa pahayag na pirmado ni Mayor Francisco "Isko" Moreno Domagoso.
Tiniyak din ng lokal na pamahalaan na handa at naka-standby 24/7 ang lahat ng emergency response teams ng lungsod upang tumugon sa anumang insidente na dulot ng masamang panahon.
Ang paalalang ito ay bahagi ng pag-iingat para sa kaligtasan ng mga estudyante, guro, at kanilang mga pamilya sa gitna ng banta ng pagbaha at iba pang epekto ng matinding pag-ulan.
Para sa karagdagang impormasyon at updates, hinihikayat ang publiko na subaybayan ang opisyal na social media pages ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Ulat mula kay Robel Almoguerra
