Diskurso PH
Translate the website into your language:

Dams sa Luzon, nagpakawala ng tubig dahil sa walang tigil na ulan

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-07-22 13:06:54 Dams sa Luzon, nagpakawala ng tubig dahil sa walang tigil na ulan

HULYO 22, 2025 — Nagsimulang magbuhos ng tubig ang apat na malalaking dam sa Luzon dahil sa patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig mula sa malalakas na ulan na dala ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes.

Umapaw ang La Mesa Dam sa Quezon City matapos umabot sa 80.17 metro — lampas sa 80.15-metrong limit nito — at nagbabala para sa mga komunidad malapit sa Tullahan River, kabilang ang ilang bahagi ng Valenzuela, Caloocan, Malabon, at Navotas. Samantala, nagsimula namang maglabas ng tubig ang Upper Wawa Dam sa Rizal noong Lunes ng gabi, na nagdulot ng banta ng baha sa Pasig-Marikina River system.

Nagsagawa na ng preemptive evacuation ang mga lokal na pamahalaan sa Rizal at Marikina.

“In-inform tayo ng LGUs ng Rizal at Marikina na nakapag-preemptive evacuation sila. Currently, overflowing pa rin ang Upper Wawa Dam at dinadaanan niyan ang Pasig-Marikina River,” sabi ni PAGASA weather specialist na si Juan Paolo Pamintuan.

Nagbukas din ng isang gate ang Ipo Dam sa Bulacan nang umakyat sa 100.28 metro ang tubig, bagama’t hindi pa ito umaabot sa 101.10-metrong limitasyon nito. Sa Benguet, naglabas din ng tubig ang Ambuklao at Binga Dams sa pamamagitan ng tatlong gate noong nakaraang weekend para kontrolin ang pagtaas ng lebel.

Ipinaliwanag ni Pamintuan na bagama’t nakadaragdag sa baha ang paglabas ng tubig sa mga dam, ang pangunahing sanhi pa rin ay ang walang tigil na pag-ulan.

"Ang baha natin, maliit lang contribution ng dam. Most of the contribution ng baha ay galing sa ulan," aniya.

Gayunpaman, nagbabala siya: "Although mababa, hindi pa rin sya negligible. Mayroon pa rin siyang epekto."

Pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na manatiling alerto sa posibilidad ng flash floods at makipag-ugnayan sa mga lokal na disaster team.

 

(Larawan: Philippine News Agency)